Lalaki, idinemanda ang sariling ina matapos nitong itapon ang kanyang koleksiyon ng komiks!
Isang 20-anyos na lalaki sa Taiwan ang inihabla sa korte ang sariling ina matapos nitong itapon ang koleksyon niya ng Japanese comics.
Naglilinis ng kanilang bahay ang hindi pinangalanang 64-anyos na ginang sa Chiayi City nang sinama na rin nitong linisin ang kuwarto ng kanyang anak. Napansin nito na makalat sa kuwarto ng anak at wala nang mapaglagyan ang ibang mga gamit dahil napakaraming nakatambak na komiks dito.
Nagpasya ang ginang na itapon ang ilan sa mga nakita niyang komiks dahil may water damage o mamasa-masa ang mga ito at naisip na baka tapos na itong basahin ng kanyang anak.
Pag-uwi ng anak sa kanilang bahay, nagulat ito na wala na sa kanyang kuwarto ang koleksiyon niya ng mga Attack on Titan comics.
Agad nitong tinanong ang kanyang ina at nang malaman nito kung anong nangyari sa kanyang collection, agad itong tumawag sa pulis para ireklamo ang ina.
Matapos mag-file ng police complaint ang anak, dinala niya ito sa korte para sampahan ng kasong “property damage” ang ina.
Sa korte, ipinaliwanag ng anak na itinapon ng kanyang ina nang walang paalam ang buong set niya ng Attack on Titan comics.
Ang buong set ay mayroong 32 volumes at sa kasalukuyan ay out-of-print o hindi na nag-iimprenta ng mga bagong kopya nito sa Taiwan kaya mahirap na itong mabili sa mga bookstores.
May posibilidad pa na mabili ito sa mga online stores ngunit mataas na ang presyo nito kumpara sa dati. Ang depensa naman ng ina ay damaged na nang makita niya sa kuwarto ng anak ang mga komiks.
Basa ng tubig ang mga ito kaya ang akala niya ay hindi na ito maaaring basahin at patapon na ang mga ito.Naganap ang insidente noong Pebrero ng taong ito ngunit ngayon lamang Setyembre naglabas ng verdict ang Chiayi District Court.
Pumanig ang korte sa anak at pinagbabayad ng 5,000 New Taiwan Dollars (katumbas ng P8,855) ang ina at kung sakaling hindi nito kayang bayaran ang multa, maaaring community service ang kapalit nito.
Sa recent report ng Taiwanese news agencies, hanggang sa ngayon, wala pang balak makipag-ayos ang anak sa kanyang ina.
- Latest