EDITORYAL — Isakatuparan ang PUV modernization
MULA nang matapos ang deadline sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) noong Abril 30, 2024, tatlong beses nang nagsasagawa ng tigil-pasada ang transport groups Manibela at Piston. Kahapon, nagsagawa na naman sila ng tigil-pasada na matatapos ngayong araw na ito.
Ang tigil-pasada ay may kaugnayan sa pagtutol nila sa PUVMP ng pamahalaan. Hindi raw sila pinakikinggan ni President Ferdinand Marcos Jr. kaya dinadala nila sa kalsada ang hinaing. Hindi raw nila kaya ang malaking gastusin para makapag-consolidate. Masyadong mahal umano ang mga unit ng bagong jeepney at wala silang kakayahan na mabayaran ito. Hinihiling nila na ibalik ang traditional jeepney at bigyan ng prankisa.
Noong nakaraang Hunyo, 22 senador ang lumagda sa resolusyon para suspendihin ang PUVMP. Nais daw ng mga senador na maresolba ang isyu ng PUVMP. Ito marahil ang nakapagpalakas ng loob sa mga lider ng Manibela at Piston para huwag mag-consolidate at magtigil-pasada na lamang. Sabi kahapon ng dalawang lider ng transport groups, magkakaroon pa ng mga malalaking tigil-pasada para kalampagin ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Pero matatag ang pasya ni President Marcos na ituloy ang PUVMP. Wala na umanong pagsuspende sapagkat anim na taon na itong ipinagpapaliban. Sabi naman ng LTFRB, nararapat na itong maisakatuparan sapagkat 70 percent na ng mga jeepney drivers at operators ang nakapag-consolidate.
Sa ilalim ng PUVMP, dapat mag-consolidate at maging miyembro ng mga kooperatiba ang mga jeepney driver at operator. Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang mga jeepney operator na hindi nakapag-consolidate ay maaaring lumipat sa consolidated cooperatives.
Nang ihayag ng Senado ang kanilang pagtutol sa agarang pagpapatupad ng PUVMP, umalma naman ang pitong malalaking transport groups na magsasagawa sila ng tigil-pasada kung itutuloy ng Senado ang suspension ng PUVMP. Ayon kay Pasang Masda president Roberto “Ka Obet” Martin, magtitigil-pasada sila para maipadama ang lakas ng 80 percent na nakiisa sa modernization program ng pamahalaan.
Isakatuparan ang jeepney modernization. Hindi na dapat mabahag ang buntot sa banta ng tigil-pasada ng dalawang transport groups. Una nang sinabi ng LTFRB na nakahanda naman sila sa mga gagawing tigil-pasada. Marami naman umanong sasakyan na maaaring ikalat sa kalye para maserbisyuhan ang mamamayan.
Malaking problema kapag sinuspende ang PUVMP sapagkat marami na ang nakapag-consolidate. Kapag sila ang nagtigil-pasada, paralisado talaga. Kawawa ang mamamayan.
- Latest