^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Proteksiyon sa journalists

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Proteksiyon sa journalists

Dodoblehin umano ng pamahalaan ang pagsisikap para maproteksiyunan ang mga Pilipinong journalists at maitaas ang kalayaan sa pamamaha­yag sa bansa. Ito ang sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang talumpati sa ika-50 anibersaryo ng Publishers Association of the Philippines, Inc. noong Biyernes. Sabi ni Marcos, binibigyang halaga ng pama­halaan ang papel ng organisasyon bilang bantay ng komunidad at tagapagtanggol ng press freedom. Binigyang pugay din ni Marcos ang mga mamamahayag na pinaslang sa panahon ng kanyang panunung­kulan. Nangako siya ng hustisya sa mga pinaslang.

Noong nakaraang Mayo, sinabi ng media watchdog Reporters Without Borders na delikadong bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag. Sa inilabas na press freedom index, nasa ika-134 ang Pilipinas sa mga mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Layunin ng press freedom index na ikumpara ang level of freedom na natatamasa ng journalists at media workers sa 180 bansa sa mundo.

Noong nakaraang taon, nasa ika-132 puwesto ang Pilipinas. Ginawa ang ranking sa pamamagitan ng mga indicator na kinabibilangan ng impluwensiya ng puli­tika, ekonomiya, at seguridad para sa mga mamamahayag. Nakakuha ang Pilipinas ng 43.36 na global score sa nasabing index ngayong taon. Ito ang pinagbatayan para masabing “delikado o mabigat” na bansa ang Pilipinas para sa mga mamamahayag.

Sinabi rin sa report na mas kakaunti ang pag-atake sa mga miyembro ng media mula nang maupo si Marcos Jr. noong 2022 kumpara sa administrasyon ni dating­ President Rodrigo Duterte. Sa administrasyong Marcos, apat na mamamahayag na ang pinapatay at hindi pa nalulutas hanggang sa kasalukuyan.

Unang pinatay ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental noong Set. 18, 2022. Pinagsasaksak si Blanco habang patu­ngo­ sa radio station. Ang ikalawa ay ang veteran broad­caster­ na si Percy Lapid na binaril at napatay noong Okt. 3, 2022 sa BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas. Hindi pa nahuhuli ang “utak” na si dating BuCor director …

Ang ikatlo ay ang broadcaster/commentator na si Cresenciano Bunduquin ng Bgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro na pinagbabaril sa harap ng kanyang sari-sari store noong Mayo 31, 2023. Ikaapat si Juan Jumalon, isang broadcaster sa Calamba, Misamis Occidental na binaril noong Nob. 5, 2023 habang nagla-live broadcast.

Ang pangako ni Marcos na dodoblehin ang pagsisikap para maproteksiyunan ang mga mamamahayag ay ikinatutuwa nang marami. Pero hindi sana ito “bulaklak ng dila” lamang. Marami ring naulila ng mga pinaslang ang umaasa ng hustisya. Matagal na silang nauuhaw sa kawalang katarungan.

JOURNALIST

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with