Artificial Intelligence ginagamit sa giyera
Bago pa ilunsad ang ChatGPT, ginagamit na sa militar ang artificial intelligence o AI. Una ang America kasunod ang Britain nu’ng 2019. Humahabol ngayon ang China.
Kasabay ng “military AI” ay ang “autonomous weapons”. Mga sandata ito na “nag-iisip” nang AI, tapos “dumedesisyon” nang kusa.
Halimbawa, nakikita ng video cam ng aerial drone ang mga palusob na tangke. Huhudyatan nito ang marami pang aerial drones para bombahin ang mga tangke. Lalos ang kalaban sa murang halaga.
Pero sa testing lang ‘yan. Sa totoong bakbakan maraming maaring pagkakamali ang autonomous weapons.
Isa, baka ang tingin ng drone video cam ay sniper na nag-aasinta ng riple sa kalaban. Babanatan niya ito. ‘Yun pala patay na sundalo ang nakayuko sa riple. Sayang ang bomba.
Ikalawa, pwedeng dummies lang ang mga tangke para sadyang ipabomba sa drones. Muli, sayang ang armas.
Samakatuwid, limitado lang magagamit ang military AI at autonomous weapons. Kailangan pa rin ng mahuhusay na technical squads na magmo-monitor ng video screens. At lalong kailangan ng mga bihasang heneral para magdesisyon kung ano ang ikikilos ng tropa.
Lahat ng military sa mundo ay disiplinado. Sumusunod sila sa alituntunin ng command at control. Pero lamang ang mga sandatahang lakas ng mga demokratikong bansa. May laya ang mga mababang ranggo na dumesisyon sa gitna ng bakbakan.
Masyadong sentralisado ang People’s Liberation Army ng China. Mga matataas na heneral lang ang puwedeng dumesisyon. Matagal umabot sa kanila ang impormasyon. Matagal din bago maipaabot sa tropa ang utos. Tigreng papel ang 2 milyong sundalong Chinese.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest