Kung minamaliit ka, maghiganti ka
Ang social media ay magandang plataporma sa paghahayag ng mga ideya at damdamin ng tao. Ito sana ay napakagandang venue sa paglilinang ng kakayahan ng tao na magpahayag sa pamamagitan ng panulat.
Kaso, ito ay naging paraan ng paghahasik ng galit at kahit ang pinakapersonal na problema ng pribadong tao ay nailalantad. Diyan natin mababasa ang reklamo ng taong inutangan at hindi binayaran.
Dito natin mababasa kahit ang pinakatatagong sikreto ng mga taong may alitan at nilalait ang bawat isa. Kapag ang isang tao ay minaliit o nilait, nagkakaroon ng palitan ng masasakit na salita. Naggagantihan.
Para bang ang panuntunan nila ay “kapag minaliit ka, maghiganti ka.”
Tuloy, nagiging plataporma ng galit at suklam ang social media. Sa tunay na kahulugan, ang ibig sabihin ng higanti ay revenge. Kapag sinaktan ka, saktan mo rin ng makaibayo ang nanakit sa iyo. Kaya marahil napakaligalig ng ating daigdig ngayon.
Palitan kaya natin ang kahulugan ng higanti? Sa halip na benggansa gawin nating maging “higante.” Kung may nagmamaliit sa iyo, sikapin mong higitan ang laki niya. Maging higante para mawalan siya ng dahilang maliitin ka.
Kung minsan, ang pag-iinsulto ng iba sa atin ay magagamit upang pagbutihin ang ating mga sarili. Self improvement. Higit na mainam ito kaysa ang panlalait sa iyo ay gantihan mo ng mas masakit na salita.
Naiisip ko na minsan, dapat din nating pasalamatan ang ating bashers basta ang mga pamimintas nila ay may katotohanan. Sila ang nagsisilbing salamin upang makita natin ang ating mga depekto na dapat nating ituwid.
- Latest