SIM cards pang-scam bakit naglipana pa rin?
Isinabatas ang SIM Card Registration Act nu’ng Oct. 2022 para sugpuin ang cyber scamming. Inobliga nito irehistro lahat ng SIM cards sa pangalan ng may-aring indibidwal o grupo. Kapag ginamit ang SIM card sa panggagantso, huli agad ang may-ari. Ipinagmalaki yan ng National Telecommunications Commission.
Pero bakit naglipana pa rin ang cyber-scamming, usisa ni Senator Sherwin Gatchalian. Inehemplo niya ang mga illegal na POGO o Philippine Offshore Gaming Operators.
Tatlong malalaking POGO ang ni-raid ng awtoridad kamakailan: Smartweb Technology Corp. sa Pasay City; Zun Yuan Technology, Bamban, Tarlac; at Lucky South 99, Porac at Angeles City, Pampanga.
Sa tatlong ‘yun, ginamit ang SIM cards para lansehin ang mga biktima na mamuhunan sa cryptocurrency, multilevel marketing at mga pekeng negosyo. Inamin ng mga empleyado sa cyber scamming na may quota sila na tig-5 milyon-18 milyon kada linggo. Kapag hindi nila nakamit ang quota, ginugulpi sila ng mga dayuhang POGO bosses.
Daan-daang milyong piso ang kinabig ng tatlo pa lang sa cyber scamming. Tatlong daang illegal na POGO pa ang nang-raraket, ani Usec. Gilbert Cruz, Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Ang SIM cards na nasabat sa Zun Yuan ay nakarehistro sa mga pekeng pangalan. Nalusutan ang NTC, ani Gatchalian.
Tama si Gatchalian. Walang ibang dapat sisihin dito kundi NTC. Naging pabaya ang ahensya sa pagpapatupad ng batas.
‘Yan ang problema sa gobyerno. Mahilig lang sa porma at poder ang mga pinuno. Wala namang alam. Ipinapasa ang mga trabaho sa tauhan. Wala ring alam. Nasasayang lang ang buwis na ibinabayad ng mga mamamayan. Sampolan ang burukrasya: sipain ang mga taga-NTC.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest