Sugat na dapat tapusin, hindi tapalan
KAPAG ang isang bagay ay tinawag na “bagong salot” ng simbahan, hindi ito dapat binabalewala lalo na kung ang salot na ito ay unti-unting sumisira sa puso ng bawat tahanan, sa isip ng kabataan, at sa kaluluwa ng lipunan.
Iyan ang matapang na paninindigan ni Cardinal Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), laban sa online gambling. Hindi ito opinyong relihiyoso lamang ito ay sigaw ng babala mula sa isang lider na araw-araw nakakakita ng pagkawasak ng buhay at pamilya dahil sa sugat ng digital na sugal.
Ang online gambling ay hindi “libangan” ito’y bitag. Isang patibong na matalino at sopistikado, na inaakit ang karaniwang mamamayan lalo na ang kabataan at inilulubog sa isang bisyong tila walang hangganan. At habang unti-unti silang nalululong, may ilang nagbibilang ng kita sa taas ng mga gusali ng kapangyarihan.
Mas masahol pa rito, ang mismong gobyerno sa pamamagitan ng PAGCOR ang nagbibigay ng gasolina sa apoy ng adiksyon. Para lang sa kita, binibigyang-lisensya ang mga operator ng online gambling, at sinasabi pa na “sayang ang buwis” kung ito’y ipagbabawal. Kung ganito ang lohika, hindi ba’t parang sinasabi na mas mainam pang gawing legal ang shabu kung kikita rin ang kaban ng bayan?
Sabi nga ng Cardinal, ito ay modernong anyo ng pagkaalipin. Kapag ang isang tao ay nalulong sa sugal, hindi lang pera ang nawawala. Nawawala ang dangal, ang tiwala ng pamilya, at ang kinabukasan. Walang batas o regulasyong makakakontrol sa isang bisyo na ang mismong layunin ay gawing adik ang tao. Ang tanging lunas dito, total ban. Hindi paunti-unting solusyon. Hindi palusot.
Kung ang kinikita ng gobyerno mula sa sugal ay sinisingil kapalit ng wasak na tahanan, lumuhang ina, at batang nagugutom hindi ito progreso. Iyan ay kasalanan.
Sa ganitong panahon, kailangan natin ng mga lider na magsasabi ng totoo, kahit masakit. At sa isyung ito, malinaw ang tinig ng simbahan: Itigil ang online gambling. Tapusin ang sugat. Hindi ito kailangang pasanin bilang isang bansa.
Disklamer: Ang opinyong ito ay para sa pampublikong talakayan. Hindi ito nilalayong siraan ang anumang indibidwal o institusyon, kundi upang isulong ang kapakanan ng sambayanang Pilipino. Iginagalang ng may-akda ang karapatan ng lahat sa due process, at bukas sa patas na tugon o paglilinaw mula sa anumang panig.
- Latest




















