PNCO’s sa Parksuites raid, ilalaglag ang superiors nila!
HALA, nagkalaglagan na! Hindi maatim ng mga mababang ranggong pulis o PNCO na kasali sa kontrobersiyal na raid sa Solemare Parksuites condominium sa Parañaque City na madismiss sila sa serbisyo sa kaso na wala silang kaalam-alam. Kaya sa ngitngit ng mga PNCO’s, ilalahad na nila ang tunay na pangyayari sa raid kay NCRPO chief Brig. Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez para magdusa na ang dapat magdusa. Araguuyyyyyy!
Hinihintay na lang ni Nartatez ang sworn affidavits ng mga PNCO’s at t’yak tatamaan ang dapat tamaan sa mga opisyales na hindi nag-supervise ng maigi sa raid kaya’t kasama ang mga PNCO’s na nadamay sa gulo. Ang pinakamatindi d’yan, pati si SPD district director Brig. Gen. Roderick Mariano ay na-relieve sa puwesto. Hehehe! Weder-weder lang talaga, di ba mga kosa? Ano pa nga ba?
Halos 44 pulis na ang nasibak sa puwesto dahil sa raid sa Parksuites subalit ang mga abogado ng 11 Chinese nationals, at ng pitong babae na nahuli sa raid ay mukhang walang balak na tumahimik na lang. Sa ngayon, kino-consolidate ng mga abogado kung anu-anong kaso ang ipapataw nila sa mga pulis-SPD.
Iba ang kaso na isasampa laban sa humuli sa 11 Chinese at iba din ang sa pitong babae. Mismooooo! Mukhang walang katapusan na delubyo itong darating sa buhay ng mga pulis na kasama sa Parksuites raid, no mga kosa? Ambot sa kanding nga may bangs!
Ang kumakalat na Marites sa SPD, hindi naman si DSOU chief Lt. Col. Jolet Guevarra ang may pakana sa raid sa Parksuites condo kundi ang deputy n’ya na si Maj. Jason Quijana, na sagradong bata si DD SPD. Itong si Quijana, at bata n’ya na si SSgt. Mark Democrito, ang nag-request ng search warrant para sa Rm. 1811 ng Parksuites condo sa kasong illegal possession of firearms.
Nang dumating ang mga police raiders sa condo, si Quijana na ang nag-takeover ng operation, ayon sa mga kosa ko. Hehehe! Di ba na si Democrito, na ang role sa raid ay perimeter security, ang nakita sa CCTV na may bitbit na paper bag na puno ng pitsa? Ano sa tingin mo NCRPO DIDMD chief Col. Noel Fermin Sir? Hehehe! Buking ka boy!
Ayon sa mga PNCO’s ang milyones na pitsa, na tig-P500 at P1,000 bills, ay nakita sa loob ng apat na boxes sa loob ng comfort room. Naaktuhan ng mga raiders na nagbibilang ng pitsa ang mga Chinese para pang-suweldo sa kanilang mga empleyado. POGO ‘ata ang negosyo ng mga Chinese, no mga kosa?
Isinakay ang mga ito sa isang Chevrolet Trail Blazer at dinala sa SPD headquarters at nilipat kinalaunan sa Espacio Hotel. Teka nga pala! Di ba may bumili pa nga ng vault para doon itago pansamantala ang nakulimbat na milyones? Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sinabi ng mga kosa ko na P2 milyon ay napunta sa asset ni Quijana. Hayun, kaya pala nawawala na ang bodyguard at driver ng mga Chinese. Maganda ang Christmas nila t’yak. May isang police major na kumita ng P500,000, samantalang ang mga PNCO’s ay tumanggap ng tig-P10,000, anang mga kosa ko.
Kaya lang may pangako na magka-parte sila ng tig-P300,000 kapag tumining na ang kaso. Hehehe! Imbes na kumita ay delubyo ang dumating sa buhay ng mga PNCOs, no mga kosa?
Maliwanag pa sa sikat ng araw na wala sa search warrant ang pitsa.
Abangan!
- Latest