GM Robles, babayaran ang nalukot na P12-M winning tiket!
WALA nang balakid para mapasakamay ni Antonio Mendoza ang milyones na napanalunan niya sa lotto. Matapos ang siyam na taon na legal battle, iniutos ng Supreme Court sa Philippine Charity Sweepstakes Office na ibigay ang P12 milyon na premyo ni Mendoza sa lotto draw.
At ang magandang balita, nangako si PCSO General Manager Mel Robles na susunod siya sa desisyon ng korte at iaabot niya ang winning prize ni Mendoza matapos maayos ang mga dokumento nito.
Si Mendoza ay nakipagkita na kay Robles noong Oktubre 25 at masaya naman siya na matutupad na ang pangarap niyang makahawak ng milyones. Mismooooo. Hehehe! Kapag ukol talaga ay bubukol.
“I assured him that I will expedite the process of his claim. Kailangan lang may certificate of finality from SC. I will make sure that he enjoys the fruits of his winnings ASAP. I wanted to put a closure on this issue,” ang deklarasyon ni Robles.
Ang lahat-lahat na makukuha ni Mendoza ay P12,391,600 na major prize sa tatlong lucky bets ni Mendoza sa Lotto 6/42 noong Oktubre 2, 2014. Iniutos din ng Korte sa PCSO na bayaran ang 6 percent na legal fees ni Mendoza mula nang pinal na ang SC desisyon. Wow, bongga ano mga kosa? Mismooooo!
Matatandaan na nabulilyaso ang pag-claim ni Mendoza sa kanyang napanalunan siyam na taon ang nakaraan dahil gutay-gutay ang tiket na ipinakita niya sa PCSO. Itong tiket pala ni Mendoza, na nabili n’ya sa lotto outlet sa Batangas ay nalukot. Sa kagustuhan ng anak na babae na maibalik ito sa dating hitsura, abayyyyy pinalantsa niya ito na may tela sa itaas.
Kaya lang imbes na bumalik ito sa dating porma, nabura ang ilang detalye, na sa kasamaang palad ay kasama sa kinakailangan ng PCSO kapag nag-claim ng winning prize ang parukyano nila. Hayun kaya dumaan muna sa maraming pagsubok si Mendoza bago makamtan ang grasya. Dipugaaaaa! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Noong Oktubre 5, 2014, lumutang si Mendoza sa PCSO office sa Mandaluyong City kung saan nagsumite ito ng sulat kamay na report kung paano nagutay-gutay ang tiket n’ya. Subalit dahil hindi na ma-validate ang tiket, sinabihan siya ng PCSO noong Oktubre 20, 2014 na hindi niya maki-claim ang premyo.
Ito ay sang-ayon sa PCSO’s rules sa pag-claim ng winnings ay dapat “free from any mutilation, erasure or stain, making any numbers therein illegible.” Hayun, malinaw pa sa sikat ng araw ang dahilan ng PCSO, di ba mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Hindi nawalan ng pag-asa si Mendoza at dumulog siya sa Korte kung saan kinatigan nito ang mga testimonya ng lotto winner at kanyang pamilya, lalo na ang mga pangyayari patungkol sa pagkagutay-gutay ng tiket. Ayon sa Korte, ang pagkapanalo ni Mendoza sa lottery ay klarong napatunayan.
Kaya naglabas ng 17-pahinang ruling ang Korte at inutusan ang PCSO na iabot kay Mendoza ang kanyang napanalunan na milyones. Hehehe! Nagbunga ang paghihirap ni Mendoza at kanyang pamilya.
Klaruhin ko lang mga kosa na ang bangungot sa buhay ni Mendoza ay hindi nangyari sa termino ni President Bongbong Marcos ha? Minana lang ni Robles ang problema at buti naman at maganda ang kinalabasan nito para kay Mendoza.
Abangan!
- Latest