EDITORYAL - Mga magsasaka: Hindi sapat na palayain sa pagkakautang
NILAGDAAN ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act 11593 o ang New Agrarian Emancipation Act noong nakaraang linggo. Sa ilalim ng batas ang mga hindi nabayarang amortisasyon ng mga magsasaka sa kanilang lupa ay hindi na sisingilin ng pamahalaan. Burado na ang kanilang pagkakautang kaya sarili na nila ang lupang sinasanla. Nasa 600,000 agrarian reform beneficiaries ang nakinabang sa bagong batas. Umaabot sa P57.56 bilyon ang hindi nabayarang amortisasyon ng mga magsasaka kasama ang interes. Ang mga benepisyaryo ay obligadong bayaran ang lupang ipinagkaloob sa kanila sa loob ng 30 taon na may 6 percent interest. Subalit marami sa mga magsasaka ang hindi makabayad at nagpatung-patong ang interest.
Noong nakaraang Setyembre 2022, nilagdaan ni Marcos ang Executive Order No. 4, na nagpapataw ng one year moratorium sa pagbabayad ng amortization sa utang ng mga benepisyaryo.
Sabi ni Marcos makaraang lagdaan ang RA 11593, hindi niya nalilimutan ang mga ipinangako niya sa mga magsasaka na inihayag sa una niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2022. Sa SONA ni Marcos, sinabi niyang tutuloy-tuloy ang Agrarian Reform Program. Hindi lamang umano ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang walang lupa ang isasagawa ng kanyang administrasyon kundi pati ang pagpapalaya sa pagkakautang ng mga ito. Dahil aniya sa mga utang ng mga magsasaka kaya hindi sila ganap na makapagmay-ari ng lupa.
Malaking tulong sa mga magsasaka ang ginawang pagpapalaya sa utang na tumagal na nang maraming taon. Wala nang puproblemahin ang mga magsasaka at makapagpopokus na sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Hindi naman dapat matigil dito ang ginawa ni Marcos. Kung nagawang palayain sa utang ang mga magsasaka, nararapat din namang turuan sila kung paano mapaparami ang ani sa pamamagitan ng mga bagong pamamaraan sa pagsasaka. Sa kasalukuyan, lumang paraan pa ang ginagamit ng mga magsasaka. Kaya maliit ang kanilang inaani. Turuan ng bagong teknik sa pagsasaka gaya ng ginagawa sa Thailand, Vietnam at Japan. Pagkalooban ng mga binhi at pataba ang mga magsasaka.
Tuparin din naman ang pinangakong farm-to-market road para mailuwas sa pamilihan ang mga ani ng magsasaka. Kapag natupad ang mga ito, darami ang ani at hindi na aangkat ng bigas ang bansa.
- Latest