Baka insecure lang si Drilon, di kaya?
ALAM kaya ni dating Senator Franklin Drilon ang kanyang mga pinagsasabi laban sa kanyang mga kabaro? Gumuguho na raw ang prestihiyosong imahe ng Senado.
Napilitan daw siyang magsalita base sa persepsyon ng publiko sa inaasal ng mga bagitong senador sa Senado ngayon. Sabi niya, huwag naman daw sana magbalat-sibuyas ang mga bagitong senador.
Nahiya pa si Drilon. Hindi niya pa pinangalanan, tatlo lang naman ang mga bagitong senador na hindi niya nakasama noong kapanahunan ng kaniyang termino noon sa Senado. Si Sen. Robin Padilla, Sen. Raffy Tulfo at Sen. Mark Villar.
Entonses, ‘yung prestihiyosong imahe ng Senado ang sinasaalang-alang ni Drilon. Nawawala na raw ang kinang o kabantugan ng institusyon.
Ang gusto niyang sabihin, noong panahon nila o sa salitang English, the glory days kagalang-galang at prestihiyoso raw ang Senado kumpara sa Senado ngayon. Wow!
Balikan natin ang kabantugan at kinang ng Senado noong wala pa ‘yung mga bagitong sina Senator Padilla, Tulfo at Villar.
Naalala niyo pa ba ‘yung inasal ni Senator Antonio Trillanes at Senator Dick Gordon habang nagbabangayan sa senate hearing? Si Gordon, halos atakehin na noon sa puso. Maririnig ang kanyang paghinga sa mikropono dahil sa sobrang buwisit kay Trillanes.
Panahon ni Drilon ‘yun.
May isa pa. Si Senator Alan Peter Cayetano at si Trillanes naman parang mga bata na nag-aaway sa loob ng silid-paaralan, naalala n’yo?
Panahon ni Drilon ‘yan.
Ang nakakatawa, mismong si Drilon napitikan ng mga mapagmasid na kamera ng mga media noon na nagsisiyesta habang nagsi-session. ‘Yan ang panahon ni Drilon!
Kasalukuyan, ito naman si Senator Robin Padilla, ang numero uno na lumabas noong senatorial election nagsusuklay ng bigote habang nagsasalita si Senator ‘Tol Raffy sa senate hearing.
Pero ang nakakatawa, may isang senador na iniiwasan nilang pasaringan at kantiin dahil kayang gumanti at magsalita tulad ko. ‘Yung senador na yun, kaapelyido ko. ‘Yung walang sinasanto kahit sino at kakaiba ang estilo kaya gusto ng publiko.
Maaaring sa pananaw ni Drilon, hindi prestihiyoso ang galawan at inaasal ng ibang mga senador na ayaw niyang banggitin ang pangalan.
Unsolicited advice, dating Senator Drilon. Hindi angkop para sa isang datihang senador na pintasan ang mga bagitong kabaro mo dahil hindi sila umaasta ng kapareho mo.
Kuwidaw ka! Mas maraming masisilip ang mga bagitong senador sa mga pinaggagawa n’yo noon.
Sa bandang dulo ang taumbayan ang hahalal kung sino ang mailalagay sa prestihiyosong institusyon—ang Senado. Ang taong bumuboto ang sisihin mo kung bakit andiyan ang mga senador na pinipintasan mo.
Hindi kaya insecure lang si Drilon sa Senado ngayon? Di kaya?
- Latest