Makulay na underpass, binuksan na sa Quezon Memorial Circle
HUWAG magulat kung kakaiba at kaaya-ayang tanawin na ang inyong makikita tuwing dadaan sa pedestrian underpass na nag-uugnay sa Quezon City Hall at Quezon Memorial Circle (QMC).
Ito’y dahil sa inilagay nating art installation na tinaguriang QC Underparadisso. Nabuo ito sa tulong ng Sentro Artista Art Hub, sa pangunguna nina Jay and Marj Ruiz.
Marami ring artists ang nagtulung-tulong, sa pamumuno ni AG Saño, at nagbahagi ng kanilang talento upang mabuo ang makabuluhan at kamangha-manghang obra. Kabilang dito ang Art Atak team, Cosmic Clint, RKTRS Art Collective, Boundless Possibilities Foundation na nagdala ng Gentle Giants, at mga estudyante mula sa EARIST, UP College of Fine Arts at Central Colleges of the Philippines.
Tampok dito ang mga imahe ng endangered Philippine flora at fauna, gaya ng Philippine Eagle, Tamaraw, Pangolin, Warty Pig, Negros Bleeding Heart Pigeon, Tarsier, Waling-waling, at Alocasia.
Ang maganda pa rito, para malaman ang detalye ukol sa bawat species, puwedeng i-scan ng mga dumaan ang QC code na makikita sa entrance ng underpass. Ang mural ay nagsisilbing panawagan sa lahat na magkaisa at makiisa upang protektahan ang ating likas-yaman. Ang “QC Underparadisso” ay bahagi ng ating plano na lalo pang pagandahin at pagyamanin ang Quezon Memorial Circle, na itinuturing na sentro ng ating “Green Lung Network.”
Kasama sa ating balak ang pagpapagawa ng elevated walkway na magkokonekta sa Ninoy Aquino Parks and Wildlife sa Quezon Memorial Circle para lalo pang mapalawak ang tinatawag na “green spaces.”
Target natin na pagsapit ng 2030, mayroon nang 30-40 porsiyentong green and permeable spaces sa buong lungsod. Sa ngayon, mayroon na tayong 226 parks at gagawin natin itong mahigit sa 400 pagdating ng taon 2030.
Nais kong imbitahan ang lahat, maging QCitizen man o hindi, na bisitahin ang “QC Underparadisso” para makita ang ganda at gawing inspirasyon ang mensaheng hatid ng artwork na talaga namang “Instagrammable”.
- Latest