UNO, numero uno rin sa panggagantso
WALA talagang kadala-dala itong Unlimited Network of Opportunities o mas kilala bilang UNO Network Marketing.
Ito ‘yung multi-level marketing na dati nang inireklamo sa BITAG kaya alam namin ang mga tabas at kanto ng pagmumukha ng kanilang mga miyembro.
Ito rin ‘yung networking company na nagwawagayway ng limpak-limpak na pera sa social media at nagpo-pose ng mga mamahaling sasakyan. Estratehiya nila ito para maka-engganyo.
Pero kung dati ang mga nire-recruit nila ay mga estudyante, ngayon, nag-level up na sila. Ang kanilang bagong target, mga propesyunal. Ang kanilang palaruan, dating apps.
Ang nagbisto nito, isang lalaking seaman na nagsumbong sa #ipaBITAGmo. Sumbong ni Voltaire Caintic, nagantso siya ng isang babaeng myembro ng UNO kung saan natangayan siya ng P150,000.
Aminado ang seaman na naghahanap siya ng makaka-date pagbaba niya ng barko sa Maynila. Kaya ang ligawan nangyari sa dating app. Pero ang nakilalang babae sa dating app, hindi pala pakikipag-date o relasyon ang pakay. Bagkus ang motibo, raket at bagong mare-recruit bilang miyembro nila sa UNO.
Kaya ang dapat sanang date nilang dalawa, nauwi sa inuman sa resto bar. Ang kapalmuks na babae, isinama pa raw ang siyam na switik nitong kasama.
Ayon kay Voltaire, nakumbinsi siya sa alok nila dahil pinangakuan na ang kanyang investment ay kikita ng P6.75 milyon kada buwan. Kailangan lang daw niyang mag-recruit ng apat na katao at sila na ang bahala.
Eh, itong seaman, nakonsensiya. Kaya sa halip na manloko rin ng iba, lumapit at nagsumbong sa BITAG.
Saka na lang nahimasmasan ang pobre noong ultimo resibo raw ng “investment” niya bilang patunay sana, wala raw binigay ang UNO. At ang mga putris na mga networker naglaho nang parang bula.
Hindi na bago ang ganitong modus ng mga putok sa buho. Kaya patuloy na babala ng BITAG sa publiko, laging maging praning at paladuda. Huwag agad maniniwala sa mga inaalok sa inyo na negosyo o pagkakakitaan online.
Tandaan, ang totoong business opportunity may totoong investment at may kaukulang mga resibo na rehistrado sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ngayon alam n‘yo na. Huwag maging tanga sa social media!
- Latest