^

PSN Opinyon

Best practices ng Netherlands dadalhin sa QC

QC ASENSO - Joy G. Belmonte - Pilipino Star Ngayon

MAPALAD po tayong mapabilang sa delegasyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga kapwa ko mayor ng Metro Manila na nagtungo sa bansang Nether­lands para sa isang study tour ng kanilang sustainable practices.

Sa ilang araw nating pananatili sa nasabing bansa­, masasabi kong mabunga at matagumpay ang aming gina­wang pagbisita at marami tayong napulot na mga hakbang na magagamit natin para mapalakas ang mga kasa­lu­kuyang programa ng ating siyudad.

Ilan sa mga kahanga-hangang programa ng Netherlands­ ang Waste-to-Energy (WTE) plant ng kumpanyang AEB Amsterdam.

Sa aming pagbisita, ipinakita sa amin ng mga taga­pa­ngasiwa nito ang iba’t ibang mga proseso at makinarya ng kanilang makabagong planta na ginagawang enerhiya ang naiipon nilang basura. 

Kung maaamiyendahan lang ang Clean Air Act upang payagan ang mga WTE facility, isa itong napakagandang alternatibo para sa ating siyudad na nakakaranas ng napakalaking hamon pagdating sa solid waste, lalo pa’t mahigit nang tatlong milyon ang ating Qcitizens at mayroon ding 65,000 na mga negosyong nakarehistro sa ating siyudad.

Malaki ang maitutulong nito para maabot ang ating target na 30 porsiyentong pagtapyas sa greenhouse gas emissions pagsapit ng 2030, at carbon neutrality pagdating ng 2050. 

Maganda rin itong suporta sa iba pa nating mga prog­rama gaya ng pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics at disposable materials tulad ng plastic na kutsara’t tinidor, plastic na bote para sa mga shampoo at lotions sa ating mga hotel at plastic grocery bags. 

Bilib din tayo sa bicycle infrastructure ng Amsterdam, na tinatampukan ng dalawang makabagong bicycle parking facility na pawang itinayo sa ilalim ng mga kanal at ilog nito.

Mayroon itong dalawang-level na bike racks at ang pinakamalaki ay may kapasidad na pitong libong bisikleta. 

Ang maganda pa rito, libre ang unang 24 na oras na paggamit ng bicycle parking, at nakadugtong pa ang mga pasilidad sa mga linya ng tren at tram ng kanilang lungsod. Ito’y napakagandang modelo na maaari nating pagbatayan sa lalo pang pagpapaganda ng ating bike lane network, na sa ngayon ay may haba nang 93 kilometro.

Dinalaw din natin ang siyudad ng Rotterdam at personal na nasaksihan kung paano ipinatutupad ng siyudad ang kanilang best practices pagdating sa climate change adaptation.

Sa mga susunod na araw, babalikan natin ang mga aral na ating napulot sa Netherlands at pag-aaralan kung alin sa mga programang ito ang magandang idugtong sa ating sariling mga proyekto upang mapaigting at mapaganda pa ang paghahatid ng serbisyo para sa ating QCitizens.

MMDA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with