Ibinugaw ang sariling anak
Isang kaso na naman ito tungkol sa qualified trafficking sa ilalim ng RA 9208 at RA 10364. Ang kasong ito ay tungkol kay Brenda na hiwalay sa asawa at nagtatrabaho sa ibang bansa. Bago sila naghiwalay ay nagkaroon pa sila ng anak na babae, si Amy.
Si Amy ay katorse anyos at isang estudyante ng grade-4. Umuwi ang nanay niya sa kanilang bayan para magbakasyon at kasama nito si Mohammed na isang banyagang lalaki mula sa Kuwait.
Mula noon, nagbibigay ng pinansyal na tulong ang lalaki sa kanila pero ang totoo ay kapalit ito sa mga kalaswaang ginagawa sa dalagita. Hinahayaan kasi ng kanyang ina na mahipuan at madilaan ng lalaki ang maseselang bahagi ng katawan ng anak sa kabila ng pagtutol nito.
Laging pinapaalala ng babae sa anak na galante naman daw ang lalaki at ibinibigay lahat ng pangangailangan nila. Kaya walang nagawa si Amy kundi sumunod. Sa loob ng isang linggo ay dalawa hanggang tatlong beses nauulit ang pangmomolestiya kay Amy.
Isang pagkakataon, sinamahan ni Brenda si Amy para kumuha ng passport. Nauwi ito sa pagpunta sa mosque kung saan nagpakasal ang dalagita sa banyaga para lang makabiyahe na sila patungo sa Kuwait.
Nang gusto ni Mohammed na tuluyang maangkin ang dalagita ay nagpanggap siya na hindi makahinga kaya walang nagawa ang lalaki kundi ihinto ang ginagawa pero tinakot niya pa rin ang dalagita na hindi siya puwedeng patuloy na tanggihan nito dahil kasal na sila at asawa na siya nito.
Kalaunan, pumunta si Amy sa CFO (Commission in Filipino Overseas) para dumalo sa guidance seminar/counselling na kondisyon para makakuha ng pasaporte ang magpapakasal na mga Pilipino sa magiging asawa nilang banyaga.
Sa seminar, nakilala ni Amy si Remy Licerio, Supervising Officer ng CFO. Nalaman nito na Katoliko si Amy at 14-anyos lamang samantalang ang pakakasalan nito na si Mohammed ay Muslim at 56-anyos na.
Napag-alaman din ng babae mula sa dalagita na niloko ito ng sariling ina para pakasalan si Mohammed. Kaya si Amy ay inilapit niya sa Department of Social Welfare and Development para makahingi ng tulong bilang biktima ng human trafficking na sa kasamaang-palad ay mismong ina pa niya ang may pakana.
Sa opisina ng DSWD ay ibinulgar lahat ni Amy ang nangyari sa kanya. Gumawa ng imbestigasyon ang NBI at sa pakikipag-ugnayan sa CFO, nakakalap sila ng ebidensiya. Sinuri rin ng isang NBI psychologist si Amy at napag-alaman na nahihirapan siya na makipag-usap sa mga lalaki. May trauma rin siya dahil sa matinding pang-aabuso na inabot sa kamay ni Mohammed.
Sa mga isinagawa ay kinasuhan sina Brenda at Mohammed ng Qualified Trafficking in Persons sa ilalim ng Sec. 4(c), Section (a) and (d) – RA 9208/RA 10364 sa RTC ng Manila kung saan tumestigo si Amy, pati mga opisyal na kinatawan ng CFO, DSWD, at NBI.
Si Brenda lang ang inaresto at nilitis ng hukuman. Nananatiling nakakawala si Mohammed. Ang salaysay ni Brenda ay amo niya si Mohammed sa Kuwait at madalas ay sumasama sa kanya tuwing umuuwi siya sa Pilipinas.
Natutulog ang lalaki sa bahay nila kasama ang dalawang anak niya na lalaki pati ang anak na babae na si Amy na diumano ay katabi niya naman sa kuwarto. Wala raw siyang alam na may relasyon ang anak at si Mohammed. Itinanggi rin niya na niloko at pinuwersa niya si Amy para magpakasal sa lalaki. Nagkasala nga ba si Brenda?
Oo dahil lahat ng elemento ng krimen ay narito sa kaso. Una, ayon sa birth certificate ni Amy ay 13 anyos pa lang siya nang maganap ang kasal nila ni Mohammed. Inamin din ni Brenda na siya ang ina ni Amy.
Pangalawa, walang pag-aalinlangan na pinakikita ng mga ebidensiya na pinuwersa at niloko ni Brenda ang sariling anak. Alam ni Brenda na 9 o 10 taong gulang pa lang ang dalagita ay nakakaranas na ang anak ng pang-aabuso (sexual abuse) mula kay Mohammed at walang ginagawa ang babae para saklolohan ang anak. Siya pa nga minsan ang nangunguna na ialok ang anak sa lalaki.
Pangatlo, ginamit ni Brenda ang pagiging inosente at kamusmusan ni Amy para pilitin ang anak na pagbigyan ang mga gusto ni Mohammed kapalit ang pera na ibinibigay ng lalaki bilang kabayaran.
Pang-apat, ilang taon na nagaganap ang sexual abuse kay Amy hanggang maging katorse anyos na ang bata at magamit ni Brenda ang pagkakataon para tuluyang ipakasal ang anak kay Mohammed.
Panglima, hindi pa nakuntento na ipakasal ang anak ay naging sigurista pa si Brenda at hinayaan na maangkin ni Mohammed ang anak bago ang kasal at pang-anim, si Brenda pa mismo ang tumulong kay Amy sa CFO para makakuha ng pasaporte at para tuluyan siyang maangkin ni Mohammed.
Nagsumite pa siya ng pekeng marriage certificate para palabasin na nasa hustong edad na si Amy na magpakasal. Kapag susuriin ang lahat ng ito, tunay na si Brenda mismo ang nag-umang sa kanyang anak para gawin na parausan ng kanyang kasabwat na si Mohammed sa krimen na nabanggit.
Tunay na nagkasala sina Brenda at Mohammed at dapat patawan ng parusang habang-buhay na pagkakulong pati pagmultahin ng P2,000,000.00, saka patawan ng danyos na P500,000.00 para sa moral damages at P100,000.00 para sa exemplary damages (People vs. BBB and XXX, GR 252507, April 18, 2022).
- Latest