Mutual Defense Treaty hindi gagamitin ni BBM
Para kay Presidente Bongbong Marcos, lalo lamang lulubha ang tension sa West Philippine Sea kapag ginamit ng pamahalaan ang U.S.-Philippine Mutual Defense Treaty. Ito ay kasunod ng marahas na laser pointing incident ng China sa ating Coast Guard na nagpapatrulya sa Ayungin Shoal kamakailan.
Sa palagay ko, hindi naman ang Pilipinas lang ang magpapasya kung gagamitin ang MDT kundi ang United States, at iyan ay depende sa sitwasyon. Ang naganap na insidente ay nakaaapekto sa buong Southeast Asia Region dahil ang West Philippine Sea o South China Sea ay dinaraanan din ng mga sasakyang pandagat ng ibang bansa para sa kalakalan.
Kapag inangking ganap ito ng China, apektado ang freedom of navigation o kalayaan sa paglalayag. Apektado rin ang ekonomiya ng buong daigdig. Mahigpit ding tututol ang ibang bansa sa Asia na may pending claim sa naturang bahagi ng karagatan.
Ayaw natin ng giyera ngunit kung ito ang hinihingi ng mga sirkumstansya, wala marahil tayong magagawa. Papaano kung sa assessment ng U.S. ay kailangan nang giyerahin ang China sa pagmamalabis nito?
Wala tayong magagawa kundi ang sumali sa digmaan dahil mayroon tayong kasunduang ipagtatanggol ang isa’t isa. Ayon kay Marcos, “counterproductive” na gamitin ang MDT dahil maglulubha lang ang tensiyon sa territorial conflict sa karagatan. Sana nga ay maayos ang problema sa pamamagitan mg diplomasya.
Pero sa isang bansang determinadong lumaban dahil kampante sa taglay nitong lakas, mahirap magtagumpay ang diplomatikong paraan. Para sa China, ang isyu sa pagmamay-ari ng pinag-aawayang karagatan ay non-negotiable.
Ni ayaw nga nitong pumayag sa panukala ng Pilipinas na joint exploration sa naturang territorial waters. Sa paniniwala ng mga Intsik, kanila ang teritoryo kahit pa hindi sang-ayon ang komunidad ng mga bansa.
- Latest