Nagkagulo sa mana
Ang kasong ito ay tungkol sa mag-asawang Rene at Gina. Marami silang pag-aaring lupain na napunta sa anak nilang si Randy. Nang tumuntong sa hustong edad si Randy. nagpakasal siya kay Betty at nagkaroon sila ng tatlong anak, sina Lisa, Mely at Randy Jr. pero di nagtagal, napawalambisa ang kasal nina Randy at Betty. Sumama ang tatlong bata at tumira kasama ng kanilang ina na si Betty at hiwalay kay Randy pati sa mga lolo at lola nila na sina Rene at Gina. Pagkatapos noon, nakisama si Randy sa dalawang babae at nagkaroon ng dalawang anak, sina Randy II at Naty.
Sa kasamaang-palad, naunang namatay si Randy sa kanyang mga magulang na sina Rene at Gina. Nang mamatay siya ay ang mga magulang niya ang nagpalaki sa kanyang mga anak sa labas na sina Naty at Randy II na noon ay siyam na buwan lang. Humingi rin ng visitation rights sa kanyang ibang apo si Rene na sina Lina Mely at Randy Jr. pero noong una lang siya pinagbigyan ni Betty at bandang huli ay hindi na pumayag ang babae na makipagkita ang mga apo sa kanilang lolo.
Namatay si Gina na nag-iwan ng ari-arian na nagkakahalaga ng P29 milyon na parte ng conjugal property nila ni Rene. Naiwan ni Gina ang asawang si Rene, mga lehitimong apo na sina Lisa, Mely at Randy Jr. pati mga bastardong apo na sina Randy II at Naty. Patuloy na inalagaan ni Rene sina Naty at Randy II pati bandang huli ay inampon ang dalawa.
Limang taon makalipas ang pagkamatay ni Gina, nagsampa ng petisyon ang apo niya na si Lisa sa RTC para maitalaga na administrador ng naiwang estate nito. Si Rene na noon ay 89-anyos ang kumalaban at kontra sa petisyon. Ayon sa kanya, siya bilang nabubuhay na asawa ni Gina ang dapat na gawin na administrador at mas unang ikunsidera ng korte bilang isa sa mga nagmamay-ari sa naiwang kayamanan ni Gina. Kaya pa naman daw niya na pamahalaan ang lahat ng ari-arian kahit pa may edad na siya. Nang hindi nagkasundo ang magkabilang panig ay pinahiwatig ni Rene sa korte na itinatalaga niya ang apo na si Rene II bilang kanyang administrador kung sakali at pumabor sa kanya ang korte at gawin na siya ang administrador sa kayamanan ni Gina.
Ang ginawa ni Randy ay nagsumite ng oposisyon at inulit sa korte ang mga dahilan kung bakit siya dapat ang maging administrador pati ang kanyang mga kwalipikasyon para dito. Habang dinidinig ang asunto ay namatay si Rene.
Matapos marinig ng korte ang testimonya at ebidensiya ng magkabilang panig ay naglabas ito ng hatol at ginawang administrador si Randy II sa naiwang ari-arian ni Gina. Pero nang umapela sa Court of Appeals ay nabaliktad ang desisyon at imbes ay si Lisa ang ginawang administratrix. Tinutukan ng CA ang pagiging ilehitimong anak ni Randy II at hindi raw siya puwedeng maging kinatawan ng estate ng kanyang Lola Gina base sa Art. 992 dahil mas may karapatan daw si Lisa bilang isa sa legal na anak. Tama ba ang CA?
Mali. Ang basehan ng Art. 992 ng Civil Code patungkol sa patakaran na bawal maging tagapagmana ng lehitimong kamag-anak ang isang bastardo ay hindi uubra sa kasong ito dahil ang relasyon nina Rene at Gina sa isang banda pati si Randy II sa kabila ay base sa ordinaryong magkakamag-anak. Mula nang sanggol ay pinalaki na kasi nina Gina at Rene si Randy II at parehong kinilala ng dalawa bilang apo. Sa katunayan, legal na inampon ng dalawa si Randy II at may karapatan siya na makakuha ng parte sa mana hindi bilang anak ni Randy Jr. kundi bilang anak na inampon ng dalawang matanda. Kalahati ng kayamanan ni Gina ay kay Rene at parte ng conjugal partnership. Hindi niya ito nakuha noong nabubuhay pa at nahalo na ang mga kayamanan ng dalawa.
Malinaw na nagkamali ang CA nang alisin nila si Randy II bilang administrador ng estate ni Gina. Bilang inampon na anak ay malinaw ang interes ni Randy II sa ari-arian ni Gina at mas mahalaga pa nga ang interes niya kaysa kay Lisa dahil si Rene bilang asawa ni Gina ang mas may karapatan na magmana sa esklusibong ari-arian ni Gina at bukod pa ito sa parte mismo ng conjugal share ng lalaki. Kung sakali, ang pinakamagandang gawin ay magkatuwang na pamahalaan nina Lisa at Randy II ang naiwang ari-arian ng kanilang lola (Intestate estate of Suntay etc., vs. Suntay, G.R. 183053, June 16, 2010).
- Latest