Sec. Faustino ‘di kinunsulta
May katwiran ang nagbitiw na OIC ng Department of National Defense, Jose Faustino na mag-resign sa puwesto. Kahit officer-in-charge lang siya ng DND, siya pa rin ang itinuturing na pinuno ng departamento.
Habang wala pang pormal na naitatalagang Defense Secretary, siya ang gumaganap sa tungkulin ng Kalihim, pati na ang pagiging alter ego ng Presidente. Kung alter ego ka, dapat kinukunsulta ka sa bawat desisyon ng isang leader na nagtalaga sa iyo sa tungkulin.
Gumawa ng kritikal na desisyon si Presidente Bongbong Marcos nang ibalik sa puwesto bilang Armed Forces chief si Gen. Centino na bumaba na sa nabanggit na puwesto noon pang Agosto, 2022.
Bigla na lang inalis “unceremoniously” ang nakaupong AFP chief na si Gen. Bartolome Bacarro na naging dahilan sa pagkakaroon diumano ng tensiyon at demoralisasyon sa militar.
Totally ignored si Faustino sa aksyong ito ng presidente. Sabi niya, sa social media lang niya nalaman ang pagkakaalis kay Bacarro. Kahit sino ang nasa katayuan ni Faustino ay maghihinanakit. Hindi naman siya dapat gawing tau-tauhan kahit OIC lang siya.
Hindi ko maarok ang tunay na rason sa ginawa ng presidente. Napapaisip ang taumbayan: dahil kaya totoo ang naibabalitang restiveness ng militar na posibleng mauwi sa isang rebelyon laban kay Marcos. Well, your guess is as good sa mine.
Sa pagbaba sa puwesto ni Faustino, sinabi niya na umaasa siyang magkakaroon ng pagkakaisa sa militar at huhupa ang anumang namumuong tensyon. Harinawa.
- Latest