Panalo o budol
Mag-ingat sa mga sumasalubong sa inyo sa mga mall, lalo na ‘yung mga magaganda’t seksing ahente ng mga produkto.
Disente sila kung titingnan, aakalain mong lehitimo ang kanilang “business.” Kuwidaw, baka madale ng kanilang totoong pakay—mang-modus.
Noong nakaraang buwan, isang sekyu ang lumapit sa aming tanggapan. Nabudol daw siya ng P70,000 ng isang kompanya ng appliances sa isang mall sa Mandaluyong.
Sinalubong daw siya ng mga ahenteng naka-mini skirt pa at inanyayahan sa kanilang tanggapan. Ang catch, baka manalo umano ng mga appliances sa kanilang pa-promo.
Naengganyo naman ang sekyu, sa dami ba naman ng tao sa mall ay siya ang “masuwerteng” mabibigyan ng biyaya ng araw na ‘yun.
Sa loob ng tindahan, malakas ang kanilang tugtugan. Kinuyog daw siya ng mga nagpapalakpakan at masayang mga sales representatives.
Aminado siyang, ibinigay niya ang kanyang ATM card na naglalaman ng kanyang savings. Kailangan daw kasi ito para marehistro sa kanilang system ang kanilang mga napanalunan.
Ang siste, diretso na palang nai-swipe ang kanyang ATM card at naubos ang kanyang ipon na P70,000. Nakamura raw siya sa mga appliances na kung susumahin ay nagkakahalaga ng P200,000.
Huli na ng mapagtanto ng sekyu na siya’y na-modus, nabudol. Sinubukan niyang makiusap sa kompanya na ibabalik niya ang mga appliances para mabalik ang kanyang pera.
Tinanggihan siya ng mga ito kaya napadpad siya sa tanggapan ng BITAG.
Itong lintek na modus na ‘to, hindi na bago sa BITAG. Ilang kompanya na ang trinabaho namin kung saan aktuwal na naidokumento ng mga BITAG undercover ang pamamaraan ng modus.
Marami sa aming trinabaho, pinasara ng mga otoridad at lokal na pamahalaan dahil napatunayan ang kanilang panloloko.
Nagtatago ‘tong mga dorobong kompanya na ‘to sa mga legal na dokumento ng kanilang negosyo. Business permit, mga clearance mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, subalit ang kanilang pamamaraan na may halong panloloko, nakatago.
Sa kasong ito ng sekyu, natunugan ng mga empleyado na tinatrabaho na sila ng BITAG. Sa unang undercover operation pa lang namin, iwas at mailap na ang mga kumag.
Hindi man sila tuluyang nahulog sa aming patibong, good news naman ito para sa nagrereklamo dahil matapos maipalabas ang kanyang sumbong, agad ibinalik ang kaniang pera.
Hindi kami anti-business, subalit kung may mga elemento ng panloloko, panggagantso o pang-aabuso na maglalagay sa kapahamakan sa ating mga kababayan, mapapasara kayo sa tulong ng ating mga awtoridad.
- Latest