Ngayong Pasko, mainam magbigay kaysa tumanggap
Binalaan ni Cordillera police director Brig. Gen. Mafelino Bazar ang kapulisan sa anim na probinsiya ng rehiyon kasama ang dalawang siyudad—Baguio at Tabuk – na huwag mamasko at huwag ding tumanggap ng regalo.
Alam ni Bazar na aminin man o hindi ng mga pulis, ang pagtanggap ng pamasko ay makaaapekto sa pagganap ng bawat isa sa kani-kanilang mga tungkulin.
Kahit batid ni Bazar na mabuti man ang intensiyon ng sinumang pulis na mag-solicit, malaki naman ang pangambang mamasamain ito ng publikong makasasaksi sa pamamasko nila at dudungisan lalo ang imahe ng kapulisan.
Hiniling din naman ni Bazar sa publiko na huwag mamigay ng pamasko o regalo sa mga pulis, kahit pa tumatanaw sila ng utang na loob sa magandang serbisyo ng kapulisan sa kanila. Hindi na raw kailangan pa ng mga pulis ang anumang regalo dahil natanggap na ng mga ito ang year-end bonus at iba pang cash incentives. Iyon daw ay sapat na para sa pagdiriwang ng Pasko.
Ayon kay Bazar, sinumang pulis na mapatutunayang namasko ay mahaharap sa kasong administratibo at kriminal sa ilalim ng Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Sa section 3 ng RA 6713, binabawalan ang lahat ng public officials, naihalal man o na-appoint, pati na rin ang mga empleyado (permanente man o temporaryo), o di kaya’y career o non-career service, kasama na ang military at police, kahit pa hindi pinapasuweldo ng pamahalaan ang mag-solicit ng ano mang halaga o tumanggap ng regalo, pabor o ipinapautang (bagay man o salapi) habang sila’y naninilbihan sa pamahalaan.
Ayon pa kay Bazar, sa halip na sa pulis ibigay ang regalo, ipagkaloob ito sa mga taong higit na nangangailangan. Mas maganda ang nagbibigay kaysa tumatanggap.
Magandang isabuhay ang tagubilin ni General Bazar hindi lamang ngayong kapaskuhan kundi sa habang panahon.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest