EDITORYAL - Swimming pool at Yamashita treasure
IBA-IBA ang lumalabas ngayon kung bakit nagkaroon nang malalim na hukay sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) na ayon sa mga awtoridad ay katumbas ng siyam na palapag ng gusali. Napakalalim nito at nakapagtatakang napakalapit sa bahay na tinitirhan ng suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag. Si Bantag at ang deputy nito ang itinuturong mastermind sa pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 3, Itinanggi naman ni Bantag ang akusasyon.
Mismong ang bagong BuCor chief na si Gregorio Catapang Jr. ang nakadiskubre sa hukay at agad niyang ipinag-utos ang imbestigasyon ukol dito. Hindi siya makapaniwala na may malalim na hukay sa compound ng NBP. Una niyang inakala na lagusan ito palabas ng NBP.
Sinabi naman ng suspendidong si Bantag na gagawing swimming pool ang malalim na hukay. Gagamitin umano ito ng mga scuba enthusiast na katulad niya. Isa raw siyang mahusay na scuba diver.
Iba naman ang sinabi ni Justice secretary Crispin Remulla. Ang hukay daw ay ginawa para sa paghahanap ng Yamashita treasure. Hindi raw ito para gawing swimming pool gaya nang ipinahayag ni Bantag. Ayon kay Remulla, hindi niya alam kung may nakuha nang Yamashita treasure sa ginawang paghuhukay. Ang Yamashita treasure ay kinabibilangan ng mga kayamanang kinulimbat ni Japanese General Tomuyuki Yamashita nang sakupin ang Pilipinas noong 1942-1945. Ibinaon umano ang kayamanan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nararapat malaman ang katotohanan sa mga naglalabasang kontrobersiya sa NBP. Kailangan ba ang swimming pool sa NBP? Hindi ba’t ang layunin ng BuCor ay para sa kapakanan ng mga nakabilanggo at kung paano maitatama ang kanilang buhay para kung lumaya ay mayroon silang kakayahang makahalubilo sa pamayanan. Ano ang maitutulong ng swimming pool sa mga bilanggo. Pansariling kapakanan ang nakikita sa pagpapagawa ng swimming pool. At sa Yamashita treasure, tiyak din na kung natagpuan ito, isang tao lang ang makikinabang.
- Latest