Porda comeback na ang MakaTurismo!
Ramdam na ba ang holiday feels, Proud Makatizens? Kung excited na kayong makapasyal sa Makati ngayong Kapaskuhan at muling makita ang makukulay na display at amazing lights shows, mas excited kaming ipakita at ipa-experience sa inyo ang mas pinasaya at pinasiglang turismo sa Makati.
Dahil ilang buwan pa naman bago magpasko, inaanyayahan namin kayong lahat na muling kilalanin at bisitahin ang mga tourist spots at scenic areas sa Makati. Mahigit dalawang taon din kayong nanatili sa inyong mga bahay at iniwasang lumabas sa matataong lugar noong kasagsagan ng pandemya, kaya arat na at dalhin ang buong pamilya para makapamasyal.
Noong September 27, ni-launch namin ang MakaTurismo website sa Museo ng Makati sa Poblacion. Bisitahin lang ang www.makaturismo.ph para mag-book ng libreng walking tours sa kilalang heritage sites at tourist sports sa Makati. Magandang bonding ito para sa buong pamilya. Para naman sa mga estudyante, isa itong experience na kapupulutan ng aral dahil puno ng kasaysayan ang heritage sites natin sa Makati.
Kung arts naman ang bet makita ng mga bagets, hindi rin tayo papakabog. Hindi dapat palampasin ang pagbisita sa legacy sculpture ng premyadong iskultor mula sa Baguio na si Benhur Joseph “Bumbo” Villanueva.
Ang “Rise of the Herons” ang kauna-unahang public art installation sa University of Makati (UMak) at ang unveiling nito ay itinaon sa selebrasyon ng kanilang 50th Founding Anniversary noong October 5.
Bukod sa sculpture sa UMak, meron din tayong very instagrammable mural sa Apartment Ridge Underpass sa intersection ng Ayala Avenue at Parkway Drive. Alam naman natin na napakaraming empleyado at negosyante ang nandito sa lungsod sa bawat araw, kaya naman ginawang mas maliwanag at mas maaliwalas ang lahat ng walkways pati na rin ang underpass.
Ang “Ride Safe” mural na likha ni Glendford Lumbao ay simbolo ng ating adbokasiyang active at sustainable mobility para sa lahat ng Makatizens. Layunin ng artwork na ma-inspire ang mas marami na mag-bike, maglakad, at mas maging aktibo hindi lang para sa kanilang kalusugan kundi para na rin sa kalikasan. Sa paraang ito, patuloy na bababa ang greenhouse gas emissions at carbon footprint ng ating lungsod.
Shoutout din pala sa Allianz PNB Life at sa kanilang President at CEO na si Alexander Grenz na nanguna sa prokeytong ito. Dumalo rin sa unveiling ceremony na ginanap noong October 12 sina Allianz brand ambassadors Alyssa Valdez at EJ Obiena.
O di ba, andaming bagong ganap! Wag kalimutang i-tag kami pag nag-upload na kayo ng mga pictures sa inyong social media accounts. And of course, magsuot pa rin ng masks at palaging mag-ingat kapag lumalabas. Stay safe, Makatizens!
- Latest