Pagsusuot ng face mask
Hati ang opinyon ng mamamayan sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) na maging optional na lamang ang pagsusuot ng face mask. Bagama’t patuloy na bumababa ang kaso ng mga COVID-19, hindi ito dapat balewalain. Dito sa Metro Manila at ilang lalawigan, hati ang paninindigan ng mamamayan sa pagsusuot ng face mask. Halos karamihan gusto pa nilang ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask at may ilan naman na sabik nang alisin ito.
Parehong may katwiran dahil sagabal naman talaga ang pagsusuot ng face mask at dagdag sa kanilang gastusin. Subalit ang karamihan ay naniniwala pa rin na dapat ipagpatuloy ang pagpi-face mask upang maproteksyunan ang sarili. Sa usaping ito tanging si President Bongbong Marcos ang magpapasya kung itutuloy o hindi ang pagsusuot ng face mask.
Noong nakaraang taon, nang ianunsiyo ni Cebu Governor Gwen Garcia na puwede nang lumabas ang Cebuanos na hindi na magsusuot ng face mask ay maraming tumuligsa sa kanya, subalit mayroon ding sumang-ayon maliban sa mga opisyales ng DOH na tahasang tumutol dahil hindi man lang sila kinunsulta.
Subalit ngayon na binuhay muli ni Cebu City mayor Rama ang isyu, walang kagatul-gatol na sinang-ayunan na ito ng mga opisyales ni BBM at pati ang DOH at IATF. Maging ang mga local government officials ay nagpahayag na sang-ayon na sila sa pagluluwag sa di-pagsusuot ng face mask. Indikasyon umano ito upang mapataas ang tourism industry. At siyempre kapag lumuwag na sa health protocols yayabong na ang negosyo makikinabang na mga manggagawa. Kaya ang pasya na lamang ni BBM ang hinihintay upang pormal nang maipalabas ang Executive Order sa pagluluwag sa facemask.
Upang makasigurado tayo na makaiiwas sa COVID, magbakuna na. Sa kasalukuyan, mahigit 70 milyong Pinoy na ang fully vaccinated at 17 milyon ditto ay may booster shots na. Kaya nasa inyong sarili ang kapasyahan kung magsusuot o di-magsusuot ng facemask.
- Latest