Walang kuwenta ang misis
Magkasama sa trabaho sa banko sina Bernie at Fely. Matapos ang anim na buwang panliligaw, naging magsiyota sila at pagkatapos ay nagpakasal sa huwes. Sumunod nito ay nagpakasal sila sa simbahan. Nagkaroon sila ng dalawang anak—sina Dick at Eddie.
Makalipas ang 11 taon, nagsampa si Bernie ng petisyon para mapawalambisa ang kanilang kasal ni Fely base kuno sa psychological incapacity nito bago pa ang kasal. Isinampa ang kaso sa RTC ng kanilang probinsiya.
Sa kanyang petisyon, ipinahayag pati tumestigo rin si Bernie na bago sila nagpakasal ay inamin ni Fely na mayroong matagal na alitan ang babae sa nanay nito na istrikto at madalas siyang bugbugin. Nang ililipat na raw siya sa ibang sangay ng banko ay noon nakiusap si Fely na pakasalan siya nito para makatakas sa kamay ng magulang. Noon niya naisipan na pakasalan ang babae.
Sinaad pa ni Bernie na pagkaraan na maipanganak si Dick ay pumisan sila sa magulang ng lalaki. Kaya lang, nakipag-away naman si Fely sa nanay niya na si Regina. Lumala pa ang sigalot ng dalawa nang ipagbuntis na nito ang pangalawang anak nila na si Eddie. Minsan, kumuha na si Fely ng isang kutsilyo at inamba sa mukha ni Regina sa sobrang tindi ng pag-aaway nila. Kaya napilitan na tuloy si Bernie na lisanin ang bahay ng mga magulang.
Idagdag pa raw, sa trabaho ay laging kinokontra ni Fely ang mga patakaran na ipinapatupad ni Bernie kaya nalagay sa alanganin ang kanyang trabaho. May isang pagkakataon na nalipat sa ibang posisyon si Fely bilang parusa sa hindi niya pagpirma sa evaluation report. Bandang huli, nainis sa kanyang buhay si Fely at naisipan na lang magtrabaho sa ibang banko sa Middle East. Malaki ang kanyang sahod pero halos hindi nagbibigay sa pamilya at puro sa ina at kapatid lang nagpapadala.
Madalas pa na nag-aaway ang mag-asawa sa tagal na inilalagi ni Fely sa ibang bansa at sa mga luho niya sa buhay. Kapag umuuwi si Fely sa Pilipinas ay hindi siya tumitira sa bahay nila kundi sa ibang bahay. Ayaw niyang makisalo sa kuwarto kay Bernie.
Ang matindi pa, nang maisipan ni Fely na pumirmi sa Pilipinas ay hindi siya nagsabi sa kanila at sa ibang siyudad pumunta. Tuloy ay sa biyenang babae pa nalaman ni Bernie na nasa bansa na ang kanyang misis.
Para rin suporta sa kanyang kaso ay ginawang testigo ni Bernie si Dr. Pena na isang psychologist. Ang konklusyon ng doktor ay may psychological incapacity si Fely na gampanan ang kanyang tungkulin bilang maybahay dahil may sakit siyang narcissistic personality disorder kahit pa hindi niya personal na nasuri ang babae. Ayon naman sa salaysay ng nanay ni Bernie, isang beses lang daw niya nakaharap si Fely nang iuwi ng anak sa bahay noong pista sa kanilang bayan. Ang nabuo pa nga raw sa isip nito ay tinatrato ni Fely na waiter ang kanyang anak kung mag-utos ito at magpakuha ng pagkain.
Pagkatapos ng paglilitis, naglabas ng desisyon ang korte. Ibinasura ang petisyon ni Bernie. Umapela si Bernie sa Court of Appeals at nabaliktad ang desisyon. Napatunayan na may psychological incapacity si Fely at walang kakayahan na gampanan ang tungkulin bilang isang maybahay. Tama ba ang CA?
TAMA. Ayon sa Supreme Court, matagumpay na napatunayan ni Bernie na may psychological incapacity ang misis niya. Bukod sa mga testigo na iniharap ni Bernie ay napatunayan din sa kabuuan ng ebidensiya na inihain na walang pakialam si Fely sa kanyang pamilya at hindi niya kayang tuguan ang emosyonal na pangangailangan ng ibang tao. Patunay dito na mas pinili niya na manirahan sa ibang bansa na walang kasama. Matindi pa dito ay hindi man lang siya nag-abalang tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng pamilya para buhayin ang mga anak nila ni Bernie.
Kaya tama ang CA nang tukuyin nito ang bigat, kawalan ng lunas at ugat ng psychological incapacity ni Fely. Kahit sabihin pa na hindi personal na nasuri ng psychologist si Fely ay hindi naman ibig sabihin nito na walang bisa na ang kanyang ulat lalo at ibang tao naman ang kanyang sinuri. Hindi rin ito basta maituturing na “hearsay” o tsismis dahil lang mula sa ibang tao ang impormasyon. Hindi naman nakalagay sa batas na kailangan na ang mismong tao na may psychological incapacity ang dapat nasuri ng doktor. Ang importante ay mapatunayan ang psychological incapacity na taglay niya.
Sa kasong ito, ang ulat ng doktor ay base sa impormasyon na nagmula kay Bernie, sa nanay nito at sa mga dating katrabaho ni Fely na nagkaroon ng pagkakataon na makasalamuha ang babae at makita ang pag-uugali/pagkilos niya na siyang ipinarating sa doktor.
Ang kabuuan ng ebidensiyang inihain ni Bernie ay sapat para patunayan ang psychological incapacity ni Fely. Kung tutuusin ay hindi na nga kailangan na isalang pa si Dr. Pena bilang “expert witness” sa kaso.
Kaya kahit sabihin pa na layunin ng gobyerno na protektahan ang kasagraduhan ng kasal bilang pangunahing pundasyon ng lipunan ay hindi pa rin naman ito hadlang para ipawalang bisa ang isang kasal o unyon na hindi naman kayang isulong ang paglago ng isang pamilya tulad na lang sa kasong ito (Republic vs. Yaban and Padua, G.R. 219709, November 17, 2021).
- Latest