Ganito kami noon: sakuna, peste, sakit
SARI-SARING sakuna, peste at sakit ang dinanas naming kabataan nu’ng dekada ‘60. Tatlong mababagsik na bagyo ang nagwasak sa Kamaynilaan at paligid. Binaha hanggang leeg ang Quezon Avenue, Quezon City. May nahuli pang mga batang buwaya, apat na piye ang haba mula nguso hanggang dulo ng buntot. Buwal ang mga puno, lagot ang mga kable, walang kuryente nang dalawang buwan. Minsan nilipad ng hangin ang bubong ng bahay-bakasyunan ng angkan sa Tagaytay. Kasunod na taon tinumba ng daluyong ang beach house sa Cavite.
Sumabog ang bulkang Taal. Ramdam sa New Manila, QC, ang yanig, at kita mula sa balkon ang asul at pulang buga ng crater. Ang buong Taal Lake ay caldera ng lumang bulkan, hanggang QC ang paanan. Buti na lang ‘yung maliit na Taal volcano sa isla ang pumutok.
Agosto 1968 ginuho ng lindol ang 6-palapag na Ruby Tower, Sta. Cruz, Manila; 260 ang patay. Tatlong taon pa lang ang apartment.
Bago magtag-ulan ini-spray ng city hall ang komunidad. Pamuksa ng lamok na may dalang dengue at malaria. Tuwing tag-ulan maraming namamatay sa cholera at nabubulag sa trachoma dala ng maruming tubig. Laganap ang polio, beke, tigdas at bulutong-tubig.
Nasa Pacific Rim of Fire ang kapuluan. Maraming bulkan at maugang tectonic plates sa ilalim ng dagat. Nasa taas lang ito ng equator kung saan nagmumula halos lahat ng bagyo. Nasa tropical zone pa kaya maraming pusali na itlugan ng lamok at pinamumugaran ng parasites.
Malaki na ang inunlad mula noon. Tumatag ang mga gusali at naimbento ang mga gamot. Pero masaklap na taun-taon libong Pilipino pa rin ang namamatay sa baha, landslides at sakit. Pabaya ang mga lider: hindi napapatupad ang batas, hindi umaabot sa kanayunan ang modernong estilo, hindi nagbago ang politika.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest