Ang kuwento ng elepante at limang bulag na tao
Narinig niyo na marahil ang kuwento ng Elepante at Limang Bulag na Tao. Kanya-kanyang himas ang limang bulag sa iba’t-ibang bahagi ng elepante, at hinulaan kung ano ito. Isa sa kanila ay kumapa sa katawan, at sinabing pader ‘yon. May humila sa buntot at pinasyang lubid ang tangan. Ang kumapa sa tenga ay naggiit na pamaypay ang hawak. Ang nasa ilong ay natakot sa umano’y sawa. Ang yumapos sa binti ay natuwa na mataas na puno ‘yon. Sa huli, nag-away-away sila sa pagmamatigas sa kani-kaniyang pananaw.
Lahat tayo ay may kani-kaniyang alam at pagkaintindi sa katotohanan. Pero wala sa atin ang nakakabatid ng kabuoan nito. Kung minsan tama ang pag-unawa natin sa naganap. Pero tiyak kailangan natin ang isa’t isa para mabuo ang katotohanan.
Kundi sa tulong ng iba, lahat tayo ay bulag. At mananatili tayong mali kung magmamarunong imbis na makinig at gamitin ang isip.
May mga katotohanang hindi natin mababago: pagkakaroon ng Dakilang Lumalang, kapanganakan at kamatayan, kapaligiran, agham, oras at espasyo, haba at bigat. Meron din tayong kayang baguhin: ugali, pananaw, pagtrato sa sarili, pakikitungo sa kapwa, takbo ng buhay.
Mahalaga lahat ng naranasan natin, miski malungkot at masakit. Kasama ang mga ehemplong pinakita ng iba at leksiyon na natutunan sa eskuwela, nahuhubog tayo. Walang tigil ang pagkatuto, hanggang sa huling hininga. May kasabihan pa nga na kung ano’ng hindi nakapatay sa atin ay magpapasigla pa sa atin. Halimbawa sakit, gutom, trahedya.
Natutukso akong palitan ang wakas ng aral ng elepante at limang bulag. Sana sa huli nilarawan at iminuwestra nila sa isa’t isa ang limang bahagi at kung saan banda ito. Kung gay’on nabuo sana nila ang imahe at kuwento na ikalulugod at ikamamangha nila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest