Sabihin mo kung sino’ng kandidato mo
Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo, at sasabihin ko sa iyo kung sino ka. Sa sinaunang kasabihan na ‘yan nahuhusgahan tayo. Bumabarkada tayo sa mga kaugali natin—madasalin o materyoso, maalagain o makasarili, maingat sa katawan o mabisyo. Nakikilala tayo at kinagigiliwan o kinatatakutan kaya nilalayuan ng iba.
Gan’un din sa pagpili ng ihahalal. Sabihin mo sa akin kung sino’ng kandidato mo, at sasabihin ko sa iyo kung sino ka. Ilang pamantayan:
l Ang kandidato mo ba ay malinis o kawatan? Siya ba at ang pamilya ay may tagong yaman? Daan-daang milyong piso ba ang assets niya maski wala siyang hanapbuhay? Ang mga tao ba sa paligid niya at mga politikong sumusuporta sa kanya ay matuwid o mandarambong? Nasangkot ba siya sa pork barrel plunder at kickback?
l Masunurin ba siya o palasuway sa batas? Meron ba siyang political dynasty, na labag sa Konstitusyon? Pumapatay ba siya at nananakit, o kumukupkop sa gan’ung pusakal? Nagbabayad ba siya ng buwis o ng multa man lang sa traffic violation, o umiiwas dahil nasa puwesto siya? Disiplinado ba ang mga anak niya?
l Makabayan ba ang ihahalal mo? Nag-aalab ba sa kanyang puso ang simulain nina Rizal, del Pilar, Bonifacio, Jacinto, Mabini? Naninindigan ba siya para sa karagatan at likas-yamang Pilipino kontra sa Communist China? O pa-simple ba niyang sinisira ang loob ng taumbayan na tanggapin ang pambubusabos ng dayuhan?
l Matalas ba ang paningin niya sa kinabukasan? Iniisip ba niya ang kalusugan at edukasyon ng kabataan? Pangkalahatan ba ang plano niya para sa ekonomiya at kalikasan? O nangangako lang siya ng kung ano ang nais marinig sa kanya ng iba’t ibang sektor, miski magkakasalungat at imposibleng isakatuparan?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest