BuhaWind Offshore Windfarm sa Ilocos Norte, tinututulan!
MAHIGPIT ang pagtutol ng 6,339 na mga mangingisda sa planong pagtatayo ng 2,000 megawatt BuhaWind Offshore Windfarm sa baybayin ng Pasuquin, Burgos, Bangui at Pagudpud sa Ilocos Norte.
Ayon sa plano ng Danish energy company Copenhagen Energy at local partner nitong PetroGreen Energy Corporation, hindi makapangingisda sa lugar ng tatlong taon habang itinatayo ang windfarm.
Itatayo ang windfarm mula 1-18 kilometro mula sa pampang at lalim na 80-800 metro.
Pinangangambahang hindi makapangingisda ang mamamayan sa loob ng 50-meter radius sa paligid ng wind turbines. Maliwanag na ipagkakait sa mamamayan ang kanilang kabuhayan.
Ayon sa tala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), maaring madagdagan pa ang bilang ng mga mangingisdang maaapektuhan ng itatayong windfarm sapagkat marami pang mangingisda ang hindi pa rehistrado.
Bukod sa pagkakait sa kabuhayan ng mga mangingisda ng Ilocos Norte, pinangangambahang ipapahamak ng windfarm ang kalikasan dahil magdudulot ito ng underwater noise pollution, sisira sa natural fish habitats at iba pang dagok sa pangisdaan.
Sang-ayon ako sa pagtatayo ng mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya bilang pamalit sa fossil fuels ngunit hindi dapat maapektuhan ang mga mangingisda at kalikasan.
Ang Ilocos Norte ay nakilalang “hub for renewable energy” dahil dito itinayo ang pinakamalaking windfarm sa Southeast Asia na dinarayo ng mga dayuhan at turista.
Ang elektrisidad mula sa wind at solar farms sa Ilocos Norte ay direktang napupunta sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at naibebenta ito sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) kung saan ang mga dambuhalang korporasyon ang nakikinabang sa kita sa halip na ang mamamayan.
* * *
Para sa komento, i-send sa: [email protected]
- Latest