^

PSN Opinyon

Paano ligtas na makakabiyahe sa Pilipinas ngayong ‘new normal’

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Paano ligtas na makakabiyahe sa Pilipinas ngayong ‘new normal’
“It’s more fun with you!” Ang pinakabagong kampanya ng Department of Tourism.
Photo from PTAA

Dahil alert level 1 na, excited na ang ating mga kababayan na lumabas, mamasyal at bumiyahe. Matagal din kasi tayong hindi man lang nakalabas para magbakasyon dahil sa lockdown.

Aming kinapanayam sa Pamilya Talk F&B Live si Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat at ang PRO ng Philippine Travel Agencies Association na si Hermie Delatado para magbigay ng updates tungkol sa estado ng turismo sa ating bansa, at para na rin ibigay ang sumusunod na tips para sa ligtas na pagbiyahe at pamamasyal. 

1) Laging magsuot ng face mask.  

Tinawag ni Sec. Berna na "revenge tourism" ang kalagayan ng turismo sa Pilipinas ngayon dahil mistulang bumabawi nang husto ang mga Pilipino na panay ang pasyal sa tourist spots para masulit ang alert level 1. Pero paalala ni Sec. Berna, kailangan pa ring magsuot ng face masks kahit na sa mga lugar na nasa ilalim ng alert level 1, maliban na lang kapag kumakain, o sumasali sa sports at iba pang physical activities sa open areas. Dapat ding laging magdala ng alcohol o hand sanitizer. 
 
2) Dalhin ang vaccination card at sundin ang health protocols ng LGU.

Alamin at sundin ang mga health protocol sa mga LGU na pupuntahan. 

“Ang mga LGUs ay may kanya-kanyang protocols, but since alert level 1 na lang naman tayo, normally ang hinahanap na lang naman ng tourist destinations ay kung bakunado ka.  So, you have to show your vaccination card. Kung hindi bakunado, humihingi sila ng negative RT-PCR. But we always remind everybody na kahit vaccinated ka or negative ka sa RT-PCR, susunod pa rin sa minimum health and safety protocols,” paalala ni Sec. Berna. 

Para naman sa mga balikbayan, lahat ng mga pasaherong papasok ng Pilipinas, kabilang na ang mga dayuhan, ay kailangang kumpleto ang bakuna, may negatibong RT-PCR test 48 oras bago umalis, o negatibong lab-based antigen test 24 oras bago umalis papasok ng Pilipinas. 

“Kunwari kasama nila ang 12 years old and below and they're unvaccinated, they will follow the vaccination status of the parents. Yun lang ang papayagan na unvaxxed, yung 12 years and below as long as kasama nila ang kanilang mga magulang na fully vaccinated,” dagdag niya. Para sa mga OFW/pabalik na mga Pilipino, kung hindi sila nabakunahan, kailangan nilang sumailalim sa 5-araw na quarantine.


Panoorin ang F&B Live episode kasama ang aming mga bisita na si Sec. Berna Romulo Puyat at Hermie Delatado

3) Alamin ang vaccination status ng LGU/lugar na puuntahan.

Sabi ni Sec. Berna, 97% ng mga namamahala sa tourist destinations sa bansa, lalo na yung mga taga-roon mismo sa lugar, ay kumpleto na ang bakuna. “May booster program na rin sila kasi it's very important na hindi lang protected ang ating mga workers but protected din ang ating mga turista.”
 
4) Iwasan ang mga lugar na siksikan o maraming mga tao at panatiliing maliit lamang ang grupo sa pagbiyahe.

Dahil sa pandemya, tumaas ang demand para sa domestic tourism, pati na rin ang demand sa mga lugar o tourist spots na hindi gaanong siksikan.  Sabi ni Sec. Berna, sumisikat sa mga Pilipino ang nature at agri-tourism kung saan open-air ang lugar kaya puwedeng magka-social distancing.  

“Yung mga farm, open air yan; open space.  Gustung-gusto ng mga tao kasi safer, tapos  pumipitas sila and they eat what they harvest.  This is actually a full circle na kasi before D.O.T., andun ako sa Department of Agriculture at yun talaga yung pinupush namin, ang farm tourism. And we're happy that it's the 10th tourism product. People for example want to go to Baguio for strawberry picking, sa La Union, mga April or May, grape picking naman,” sabi ni Sec. Berna.

Sabi ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, hindi lamang ang pag-eenjoy ang dapat isipin sa pagbiyahe kundi pati na rin ang kalusugan ng ating pamilya.

5) Kumunsulta sa travel agencies para makapili ng ligtas na airlines, hotel at iba pang tourist destinations. 

Ang pagpapatupad ng alert level 1 ay hindi lamang nakabubuti sa mga bakasyunista kundi maging sa mga nasa industriya ng turismo. 

“Marami sa members namin ang nagsara muna pansamantala dahil nag-iba ng career pero ngayon po, unti unti na silang nagbabalikan,” ayon kay Hermie Delatado ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA). 

Masaya ring ibinalita ni Delatado ang nalalapit na 29th PTAA Travel Tour Expo 2022 na magaganap nang face-to-face sa SMX Convention Center sa Hunyo 24-26, 2022.   Mistulan itong one-stop-shop para sa mga nagpa-plano ng kanilang bakasyon.  Dito ipinapakita ng mga miyembro ng PTAA ang kanilang mga serbisyo at produkto.  Sa pamamagitan ng expo, puwedeng ma-check ng publiko ang safety at health guidelines ng mga airline, hotel, at tourist spots.  Dahil sa pandemya, hindi lamang murang packages ang tinitingnan ng mga bakasyunista kundi pati na rin ang kasiguruhan ng kalusugan ng kanilang pamilya.

'It's More Fun With You'

Tinanong din namin si Delatado tungkol sa bagong tourist attractions at kung alin sa mga ito ang kanyang mai-rerekomenda.

Boracay ang numero unong destinasyon kung gusto mong bumisita sa dagat habang ine-enjoy ang night life. “Talagang may ibang pag-eengganyo ang Boracay.   Bukod sa kanilang pinong buhangin na mala-asukal, ma-e-enjoy din ang kanilang water activities,” sabi ni Delatado. 

Bukas na ang Ilocos para sa mga turista. Maaari kang lumangoy at mag-relax sa kanilang mga magagandang beach at maaari ka ring magsagawa ng heritage tour para makilala ang mayamang kasaysayan ng lalawigan. “Nariyan po ang Pagudpud beach, Bangui Windmills, Blue Lagoon at iba pa,” paalala ni Delatado.

Sa Pangasinan, isinusulong nila ang bike tourism. Isa rin sa mga pangunahing destinasyon sa pag-surf sa Pilipinas ang Siargao.  Bukas na rin sila sa mga turista.   Ang isa pang magandang bisitahin ay ang Davao, kasama na ang Maze Garden na isa sa mga pinakabagong atraksyon nito sa Eden Park.

Pero ang paborito ni Delatado ay ang kanyang sariling probinsiya ng Batanes.  “Siyempre Batanes, kung saan pagkalabas mo pa lang ng airport, maaari mo ng puntahan ang Vayang Rolling Hills na matatanaw ang Mount Iraya. Sa bayan ng Basco makikita ang pamosong light house. Sa bayan naman ng Sabtang, makikita mo ang mga stone houses at ang Morong Beach. Pagtawid mo naman ng Ivana, dito makikita natin ang kilalang Honesty Store, ang tindahan na walang bantay. Kapitbahay nya po ang oldest house sa Batanes na itinayo nuong 1877, ang House of Dakay na kung saan isa po ako sa apo ng may-ari,” ayon sa kanya. 

Sa Hunyo pa magbubukas ang Batanes para sa mga turista.
Photo from PTAA

Napakagandang lugar ng ating bansa kaya’t talagang maipagmamalaki lalo na sa mga banyaga. Samantalahin na natin ang pagpasyal sa Pilipinas para lubos nating makilala ang ating bansa, kultura, masasarap na mga pagkain, at mga magagandang tanawin. Pero sa patuloy na paglaganap ng pandemya, huwag lamang kasiyahan ang ating dapat isipin kundi dapat din nating ingatan ang ating kalusugan. Magpabakuna, palakasin ang resistensiya at sumunod sa health protocols.

-----

Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 4:00 - 5:00 p.m. Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected]

COVID-19

NEW NORMAL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with