Ang mapanganib na teknolohiya
Napakalayo na nang narating ng cyber at digital technology. Kahit ang mga namayapang bayani o sinumang personalidad ay nagagawang pagsalitain ng mga eksperto at ang makakakita ay mamamangha na lang. Wala na talagang imposible sa makabagong panahong ito.
Noong araw, may napanood akong novelty video na ang layunin ay para pasayahin lang mga nanonood sa You Tube. Ito ay larawang gumagalaw ni yumaong U.S. Pres. Abraham Lincoln na naghahayag ng pamosong Talumpati sa Gettysburg. Medyo magaspang pa ang pagkakagawa nito at halata ang manipulasyon pero nakakalibang. May 10 taon na marahil mula nang napanood ko ito.
Naisip ko na hindi malayong aabot sa punto na ang teknolohiyang ito ay mapagbubuti pa para hindi malalaman ng tao ang minanipula sa hindi. Sa ngayon, kahit ang mga marurunong na Pinoy ay nakagagawa ng ganito. Kahit ang pambansang kamaong si Manny Pacquiao ay puwede nang palabasing lumalaban kay yumaong Muhammad Ali.
Sa unang tingin, magandang pag-unlad ito. Pero may nakakakilabot na maaaring ibunga nito. Maaari itong gamitin sa pagsasagawa ng mga “fake news” lalo na sa paninira ng mga pulitiko sa kanilang mga kalaban sa pulitika. Maaaring sa pamamagitan ng digital editing ay papagsalitain nila ang kalaban sa pulitika ng mga pahayag na makasisira sa kanyang sarili.
Nangyayari na nga iyan ngayon sa panahong papalapit ang halalang nasyunal. Imbes na makatulong ang high technology sa paghubog ng magandang karakter sa mga tao, nagiging instrumento pa ito na ginagamit sa masamang layunin.
Ngunit naniniwala akong kaakibat ng pag-angat ng teknolohiya, pati ang pag-iisip ng marami ay umangat din para maunawaan kung ano ang mga fake news sa hindi. At sa mga hindi nakakaunawa, bago paniwalaan ang anumang mapanirang ulat, matuto muna tayong manaliksik at magsuri.
- Latest