Pinaka-malalang traydor, kulaboretor sa ating bansa
Paulit-Ulit nababanggit sa mga aklat ng kasaysayan ang mga umahas sa Pilipinas. Pagpulutan ng aral para sa kasalukuyan ang kahudasan nila:
• Pedro Paterno - Palihim inatasan ng gobernador-heneral ng Kastila itong tagapayong legal ni Hen. Emilio Aguinaldo na akitin siyang makipag-Pact of Biak-na-Bato at ma-exile sa Hong Kong. Tinanggihan ng una ang hiling niyang pabuya na gawing baron ng España sa kapuluan. Nang dumating ang mga Amerikano hinimok niya ang mga Katipunero na pumanig sa Kastila. Nang mabihag ng US Army muli siyang bumalimbing para sa Amerika. Naging patnugot siya ng diyaryong La Patria na puro papuri sa kolonyalismo ng Kastila at Amerikano.
• Januario Galut - Hindi Katipunero ang taga-tribung Tingguian; giniyahan niya ang 300 sundalo ni US Major March makalusot sa Tirad Pass. Napaligiran ang puwersa ni Hen. Gregorio del Pilar, na tagakubli ng pag-atras ni Aguinaldo. Napatay si Del Pilar at 52 tauhan.
• Teodoro Patiño - Bagamat sumumpa ng pagsikreto sa Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ikinuwento niya ito sa ate na siya namang nagkuwento sa prayle. Pinagdadampot at pinahirapan ang maraming kasapi ng KKK.
• Apolinario Alcuitas - Binasag ang bungo at sinaksak ng ayudanteng ito si Katipunerong Pantaleon Villegas kaya naudlot ang atas ni Aguinaldo na simulan ang rebelyon sa Cebu. Kinasangkapan siya ng prayle at gobernadorcillo ng Carcar, Cebu.
• Benigno Ramos - Kasapakat nina dating Katipunerong Artemio Ricarte at Pio Duran, tinatag nitong dating rebeldeng Sakdal ang Makabayang Katipunan ng Ligang Pilipino. Misyon ng Makapili isuplong at ipapatay sa Hapones ang mga gerilya.
Isinuplong nina Miguel Vicos at Pedro Becbec si Diego Silang, at ni Antonio Surabao si Magat Salamat. Matapos umupo sa tatlong puwesto nu’ng Japanese Occupation, sumipsip si Manuel Roxas kay MacArthur.
- Latest