Kaunlaran nakasalalay sa pagtuturo ng agham
WALANG duda: mas maraming siyentipiko, mas maunlad ang lipunan. Tumiba ang mga sinaunang tribu sa paligid ng Mediterranean Sea dahil sa pagtatanim at pagpapastol. Hene-henerasyong agham ang nagtaas ng kanilang kaalaman sa klima, halaman, at hayop. Nanlupig pa ng mga karatig na pook ang ilang city-states – Athens, Rome, Egypt – dahil sa dagdag na kaalaman sa pagdaragat, pandirigma, at sandata. Ganundin ang Aztecs, Incas, at Mayas ng America. O mga Tsino, Hapon, at Malay sa Silangang Asya. Mga sinaunang siyentipiko ang nagpasimuno: si Noah at mga anak, sina Alexander the Great at Julius Caesar, Copernicus, Galileo, Newton, at marami pang mga pantas.
Tapos naimbento ang mga makinang industriya. Nagbunsod ng bagong teknolohiya: tren at kotse imbes na kabayo at karomata, kuryente at bumbilya imbes na sulo, diesel na barko imbes na sagwan. Natuklasan ang atoms at cells, nateleskopyo ang mga planeta at galaxies. ‘Di naglaon naimbento ang mga modernong gamot at bakuna, nagka-eroplano at space ships, napahusay ang surgery, at nakarating ang tao sa buwan.
Ngayon mga enhinyero pa rin ang nagdadala ng kaunlaran. Ang digital technology at artificial intelligence ay nakasalalay sa pagtuturo ng Mathematics at Science. Nagpaparamihan ng mga espesyalista ang America, Europe, China, at Russia. Maski maliliit na Israel, Singapore, at Estonia ay nakakaungos dahil sa mga dalubhasa.
Samantala sa Pilipinas ay puro pulitika, bangayan, kababawan. Inaatupag ay Cha-cha at Rev-Gov. Nangungulelat ang mag-aaral sa international tests ng Reading, Math at Science. Pinapangarap ng karamihan ang biglang yaman sa showbiz, o kaya maempleyo kahit paano, o makapag-asawa ng dayuhan. Paano tayo makaaahon mula sa kamangmangan at karalitaan kung walang pakialam ang pamunuan?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest