Mahalagang magpabakuna
Maraming lokal at internasyonal na articles na nagsasaad na ang virus ng COVID-19 ay “airborne” na. Kapwa ang World Health Organization (WHO) at ang Center for Disease Control (CDC) ng US ang nagkumpirma ng katotohanang ito.
Ngunit bago mag-panic ang lahat tulad ng ipinahihiwatig ng salitang “airborne”, kailangang tingnang mabuti ang mga katotohanang sumusuporta sa natuklasang ito.
Ang COVID-19 na “airborne” ay hindi nangangahulugang sa anumang paraan na mapanganib na huminga ng hangin. Malinaw tayo diyan. Ang ipinakita ng mga pag-aaral ay ang virus ay maaaring masuspend sa hangin nang maikling distansiya kahit walang tulong ng mga droplet mula sa laway at sipon, lalo na sa loob ng bahay o gusali na may mahinang bentilasyon.
Ipinakita pa sa mga pag-aaral na kung ang isa ay nasa hindi magandang bentilasyong lugar sa loob ng bahay o gusali at naka-face mask, maaari pa ring mahawahan. Ipinapakita rin ng mga pag-aaral na ang virus ay mas madaling mawala sa labas kaysa sa loob ng bahay.
Ito ang dahilan kung bakit ang kumain sa loob ng kainan maaari pa ring mapanganib kahit na magsuot ng mask pagkatapos kumain. Mas ligtas ang may kainan sa labas. Nabasa ko sa Japan ang mga tao ay patuloy na pinapaalalahanan na iwasan ang tatlong C – crowds, closed spaces at close contact. Mabuting payo.
Kailangang malaman ito ng mga awtoridad at maglabas ng kaukulang babala o mga panibagong minimum health protocol. Kapag nasa lugar na mahina ang bentilasyon, maraming tao at nasa loob ng gusali, hindi pa rin puwedeng tanggalin ang face mask.
Kung kailangang pumunta sa mga kulob na lugar tulad ng supermarket, dapat planuhin kung ano ang kailangan at mahigpit na sundin ito. Pasok, labas. Wala paikut-ikot na kailangan makita lahat ng laman ng supermarket. Dapat siguro magbukas ng mga bintana para maganda ang daloy ng hangin.
Ang mga mall ay maaaring baguhin ang kanilang mga sistema ng bentilasyon para mas dumadaloy ito. Mga convention, malalaking miting at lalo na mga piyesta o malalaking party ay hindi pa dapat pinapayagan. Higit 50 na ang nagpositibo sa mga lumahok sa swimming party sa Quezon City. Mga pasaway talaga. Kahit mas ligtas kapag nasa labas, hindi ibig sabihin ay puwede nang magtipun-tipon ang marami.
Kaya lalong naging mas mahalaga ang magpabakuna. Ang taong kumpleto na ang bakuna ay may proteksyon laban sa COVID o ang variant nito. Kung ang virus ngayon ay maaaring mabuhay na nasuspende sa hangin, mas lalong mahalaga ang mabakunahan. Wala pa ring mga pag-aaral kung gaano katagal magiging banta ang COVID sa ating kalusugan.
Ang huling pandemya, ang 1918 Spanish flu ay tumagal ng higit dalawang taon at pumatay ng tinatayang 100 milyong katao sa buong mundo depende sa mga rekord. Mas may kakayahan naman tayo ngayon na labanan ang isang pandemya kung lahat ay makikipagtulungan. Inaasahan na mawawala ito tulad ng polio kung mabibigyan ang ating katawan ng lifelong immunity ng mga bakuna.
- Latest