EDITORYAL - Kahit may pandemya iginigiit ang Cha-cha
SA Mayo 17 ay babalik na sa session ang Kongreso. At nakapokus ang atensiyon ng mga mambabatas sa pag-amend sa 1987 Constitution. Sa kanilang pagbabalik, ang pagtalakay sa economic amendments ng Constitution ang kanilang prayoridad.
Sabi ni Albay Rep. Joey Salceda, pawang economic provisions ang tatalakayin at wala raw halong pulitika. Naniniwala si Salceda na ang pagpapalit sa economic provisions ay makatutulong para mahikayat ang foreign envestments at nang makabangon ang bansa sa pagkalugmok. Ginawa niyang halimbawa ang economic reform ng Vietnam na nalampasan na ang Pilipinas. Binuksan na umano ang ekonomiya ng Vietnam sa mundo pero ang Pilipinas ay hindi pa.
Mukhang nagmamadali ang Kongreso at uunahing talakayin ang Cha-cha. At tinaon pa sa pandemya? Sa kasalukuyan, mataas pa ang kaso ng COVID-19. Halos araw-araw ay mataas ang bilang ng mga nagkaka-infection. Hindi pa nasisimulan ang mass vaccination na ayon kay vaccine czar Carlito Galvez ay maaaring sa Setyembre pa masimulan.
Maraming problemang sumusulpot sa bansa. Tumataas ang bilihin, gaya ng karne ng baboy, kawalan ng trabaho dahil sa pandemya, pagkagutom at ang isyu sa West Philippine Sea kung saan, naglipana ang Chinese vessels sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. Patuloy din ang pagtaas ng gasolina at mga kaguluhan sa Mindanao.
Sa gitna ng mga problemang ito, ang pag-amyenda sa Constitution ang pinagtutuunan ng pansin ang mga mambabatas. Sa halip na ang unahin ay mga solusyon kung paano makokontrol ang virus, ang Cha-cha ang kanilang pinagkakaabalahan.
Dapat ba itong gawin ngayon kung saan apat na milyon ang walang trabaho at maraming nagugutom. Katibayan ng pagkagutom ang pagdagsa sa community pantry ng mamamayan.
Hindi napapanahon ang pagsusulong sa Cha-cha. Pagdududahan ang pag-amyenda sapagkat maaring magsingit ang mambabatas ng provisions na magpapapalawig sa kanilang termino. Hindi ito dapat iprayoridad sa ngayon.
- Latest