Walang pagbabago sa Abreco
Patuloy ang kalbaryo nang mahigit 30,000 consumer-members ng Abra Electric Cooperative (Abreco). Mula sa tila “night club” na patay-sinding kuryente na sumisira sa electrical appliances, para umano silang ipinako sa krus dahil sa mis-management ng kooperatiba.
Hindi naman hihingin ng National Electrification Administration (NEA) Board of Directors ang pagsasaayos sa kooperatiba kung wala silang nakikitang mali, ‘di ba? Halos linggu-linggong brown-out sa Abra. Ang dahilan ng Abreco: Maintenance repairs daw.
Ayon sa NEA, 21 percent ang system losses ng Abreco kada buwan. Katumbas ito ng P6 milyong pagkalugi. Kung mananatiling ganito, hindi ba’t madaragdagan ang mahigit P600 milyong utang ng kooperatiba. Magbabadya na namang putulan ng tuluyan ang supply nito.
Sa ilang obserbasyon, mas lumala ang sitwasyon ng Abreco mula nang itake-over ng NEA “Task Force Duterte” dahil sa matinding pagkalubog sa utang.
Biruin n’yo, sa kabila ng krisis sa ekonomiya at pangkalusugan, nakuha pang magpa-anniversary party noong Marso 18 ang Abreco? Dahil dito, nagpupuyos sa galit ang consumer-members!
Hindi na nabago ang Abreco! Nais ipaalala ng consumer-members na nag-take over ang NEA noong Pebrero 9, 2018, dahil sa adverse audit findings at notices of default and suspension ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) dahil sa hindi pagbabayad ng P200 milyong utang.
Kasama sa adverse audit findings ay overcharging ng generation rates na nagkakahalaga ng P128 milyon mula Hulyo 2015 hanggang Oktubre 2016. Kabilang din ang hindi pagsusumite kung papaano ginamit ang subsidy ng pamahalaan at hindi pagsunod sa procurement procedures.
Idagdag pa rito ang mga kaduda-dudang transaksiyong reconditioning, testing and commissioning of 5MVA Substation, pagbili sa mga napaborang suppliers, irregular disbursements sa mga sasakyan ng kooperatiba, kuwestiyunableng pagbabayad ng mga benepisyo ng empleyado, per diems at allowances at pag-utang sa mga usurerong kumukubra ng 6 porsiyento.
Mula sa madilim na nakaraan, binabangungot ang Abreco at hindi makaalpas sa pagkalugmok dahil sa maling pamamahala.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest