Kahati lagi ang misis
Ang kaso ay kinasasangkutan ng mag-asawang Cardo at Linda na may dalawang anak, sina Celso at Minda. Habang nagsasama, nakabili sila ng 19,427 metro kuwadradong lupa na nasa probinsiya at sakop ng titulo kung saan si Cardo ang nakapangalan na may-ari at tinutukoy si Linda bilang kanyang asawa. Hindi nagtagal, naghiwalay ang dalawa. Iniwan ni Cardo si Linda at ang dalawang anak at sumama sa kalaguyong si Perla.
Namatay si Cardo at ilang araw lang, namatay din si Linda. Naiwang tagapagmana ang dalawang anak na sina Celso at Minda. Nang mamatay sina Cardo at Linda, hawak ng mag-asawang Ronnie at Tita ang lupa. Kaya pilit na kinukuha ng magkapatid na Celso at Minda ang lupa kina Ronnie at Tita pero tumanggi ang mga ito. Napilitang magsampa ng kaso sa MCTC sina Celso at Minda laban kina Ronnie at Tita para mabawi ang posesyon ng lupa pati ang titulo na pag-aari nila bilang tagapagmana.
Ayon sa kanila, pinayagan lang ang dalawa ng kanilang mga magulang na makitira roon. Ang sagot naman nina Ronnie at Tita, sila ang may karapatan bilang may-ari ng lupa. Dahil sa pagsasabi na sila ang may-ari ay ibinasura ng MCTC ang reklamo tungkol sa isyu ng posesyon pero hindi pinagbawalan ang magkapatid na magsampa ng ibang reklamo sa tamang korte para sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa.
Kaya ang ginawa ng magkapatid na Celso at Minda ay nagsampa ng panibagong reklamo, pero sa RTC naman, ito ay para ipawalambisa ang dokumento ng bentahan pati para mabawi ang pagmamay-ari at posesyon ng lupa. Humihingi rin sila ng injunction at ang ipinipilit ay walang bisa ang nangyaring bentahan sa pagitan ng kanilang ama na si Cardo pati ng mag-asawang Ronnie at Tita dahil daw wala itong permiso o hindi pumayag sa bentahan ang kanilang nanay na si Linda.
Sa kanilang sagot, nanindigan ang mag-asawang Ronnie at Tita na sila ang tunay na may-ari ng lupa dahil sa kasulatan ng bentahan na ginawa ni Cardo. Pati ang kinasama ni Cardo na si Perla ay ginawa nilang testigo. Noon daw nabubuhay pa si Cardo ay isinangla hanggang tuluyan nitong ibinenta sa mag-asawang Ronnie at Tita ang lupa sa pamamagitan ng isang kasulatan ng bentahan na kinumpirma mismo ni Ronnie.
Matapos ang paglilitis, naglabas ng hatol ang RTC pabor kina Ronnie at Tita. Binasura ang reklamo ng magkapatid na Celso at Minda sabay dineklara ng RTC na hindi peke ang pirma ni Cardo kaya may bisa ang bentahan kahit pa walang permiso ni Linda dahil esklusibong pagmamay-ari ni Cardo ang lupa.
Pero nang inakyat ang usapin sa Court of Appeals (CA), binaliktad at isinantabi nito ang desisyon ng RTC. Wala raw bisa ang pagbebenta ng lupa ni Cardo kaya ipinawalambisa ang bentahan at pinababalik ang titulo sa magkapatid pati ipinag-utos na umalis na sila roon. Tama ba ang CA?
TAMA ang CA, ayon sa Supreme Court. Hindi raw maitatanggi na nakuha ang lupa habang kasal pa sina Cardo at Linda na mga magulang nina Celso at Minda. Ipinapalagay na conjugal property ito alinsunod sa batas (Art. 116 FC). Kaya sina Ronnie at Tita ang may responsibilidad na maghain ng pruweba para mabaliktad ang lahat. Pero ang ebidensiya lang nila ay nakarehistro sa pangalan ni Cardo na kasal kay Linda ang nasabing lupa. Tanging pangalan ni Cardo ang binanggit sa dokumento ng bentahan. Pero hindi ito sapat para mabaliktad ang doktrina sa Art. 116 ng Family Code. Ipinapalagay na isa lang sa mag-asawa ang nakapirma sa bentahan. Kontra rin ito sa salaysay nina Ronnie at Tita na minana ni Cardo ang lupa.
Sa kasong ito, dapat na pinatunayan nina Ronnie at Tita na ang lupa ay binili gamit ng esklusibong pera ni Carlo alinsunod sa Art. 109 ng Family Code. Hindi sapat ang testimonya ni Perla para patunayan ito dahil inamin niya mismo na naging kalaguyo siya ng lalaki pagkatapos na mabili ang lupa. Dahil walang malinaw at matibay na ebidensiya na naipakita sina Ronnie at Tita para patunayan na si Cardo ang solong may-ari ng lupa ay kinakailangan ng katibayan na pumayag sa bentahan si Linda. At dahil walang pruweba na pumayag ang asawa ni Cardo sa bentahan ay wala itong bisa. Kahit sabihin pa na hiwalay na sa kama at bahay sina Cardo at Linda nang mangyari ang pagbebenta ni Cardo kina Ronnie at Tita ay kailangan pa rin bilang kondisyon sa bentahan na pumayag muna si Linda dahil nga isang conjugal property ang sangkot. Ito ay alinsunod sa Art. 116 ng Family Code.
Tama lang ang CA nang ipawalambisa nito ang nangyaring bentahan sa pagitan nina Cardo at mag-asawang Ronnie at Tita ng conjugal property na walang permiso ng misis niyang si Linda (Spouses Anastacio vs. Heirs of Late Spouses Coloma and Parazo, G.R. 224572, August 27, 2020).
- Latest