^

PSN Opinyon

Nahibang ka nung 2020? May pag-asa ngayong 2021

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

MAGULO ang nakaraang taon. Nu’ng Enero namili ang mga tao ng 2020 Planner na hindi naman nagamit. Nu’ng Pebrero, bagama’t naulat na ang una at ikatlong mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay mga taga-Wuhan, tumang­gap pa rin ang gobyerno ng mga turista mula China. Nu’ng Marso, nang mag-panic buying ang maya­yaman bago ang napipintong lockdown, ang pinakyaw nila na pangsalba sa sarili ay toilet paper.

Abril-Mayo-Hunyo, dahil walang bus at jeepneys, hini­kayat ng gobyerno ang mamamayan na magbisikleta, pero dapat daw may plaka ng rehistro. Tinangkang buwisan ang barter ng produkto at serbisyo. Para iwas sa impeksiyon, binawal ang angkas sa motorsiklo miski ng mag-asawang magkasiping sa pagtulog. Atrasado ng dalawang buwan ang ayudang cash ng gobyerno sa mga nagugutom na pamilya.

Hulyo-Agosto-Setyembre, nawalan ng hanapbuhay ang 27 milyong Pilipino. Pero ayon sa surveys, aprubado ng 92% ng mamamayan ang palakad ng gobyerno habang­ pandemya. At 6% ang walang opinyon. Nagtaka ang tao na 2% lang pala silang maraming umaangal sa mga pata­karang nakasira sa trabaho. Pumasyal na lang sila sa P400-milyong fake white sand beach ng DENR sa Manila Bay.

Oktubre-Nobyembre-Disyembre, tumama ang tatlong­ ma­tinding bagyo. Sa gitna ng kalamidad inuna ni Presidente­ Duterte na awayin si VP Robredo. Inuna ng mga kon­­gre­sista pag-awayan ang Speakership at daan-bil­yong pisong pork barrel. At inuna ng DOTr ang P109-bil­yong kuwestiyonableng plano na i-rehab ang Manila Airport.

Sa wakas 2021 na. Malapit na ang bakuna. Mauuna raw magpaturok ang mga pulitiko bilang ehemplo sa mga nagdududang tao. Maliwanag ang bukas. Kung epektibo ang bakuna, ligtas sila. Kung palpak ang bakuna, ligtas ang bansa.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

COVID-19

PLANNER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with