Menopause sa babae: Alamin ang sintomas
Ang menopause ay ang permanenteng pagtatapos ng regla at fertility o kakayahang magbuntis.
Masasabing menopause ang babae kapag 12 buwan na nakalipas mula sa huling araw ng regla. Sa ibang kababaihan nangyayari ang menopause sa edad na 30s o 40s, habang sa iba naman ay 50s o 60s.
Ang menopause ay natural na proseso at hindi ito sakit. Ngunit ang pisikal at emosyonal na sintomas ng menopause ay maaaring makagambala sa iyong pagtulog, makapagpahina, at magdulot ng kalungkutan.
Tandaan: Ang menopause ay hindi ibig sabihin na mababawasan ang iyong pagkababae at sekswalidad. Sa katunayan, maaaring maging isa ka sa mga babaeng puwedeng mag-enjoy ng pagtatalik na walang inaalala na baka mabuntis pa.
Ang senyales at sintomas ay nararamdaman kung palapit na ang menopause. Kabilang dito ang:
1. Iregular na buwanang daloy
2. Nababawasan ang pagiging fertile
3. Panunuyo ng puwerta
4. Hot flashes o mainit na pakiramdam
5. Nagagambala ang pagtulog
6. Pabagu-bago ang mood o emosyon
7. Lumalaki at tumataba sa tiyan
8. Pagnipis ng buhok
9. Lumiliit ang suso o lumalaylay
Stages ng menopause:
1. Peri-menopause – Magsisimulang maranasan ang sintomas ng menopause kahit na ikaw ay kasalukuyang pang nireregla. Ang antas ng iyong hormone ay tumataas at bumababa ng hindi pantay, at makararanas ng hot flashes at iba pang sintomas. Ito ay tumatagal ng 4 hanggang 5 taon o higit pa. Sa panahong ito, maaari ka pa ring mabuntis.
2. Post-menopause – Kapag umabot na sa 12 buwan mula noong ikaw ay huling mag-regla, ibig sabihin nito ay menopause na. Sa panahon ng post-menopausal at sa mga susunod na panahon, ang iyong obaryo ay mahina na gumawa ng sex hormones at hindi na magpapalabas ng itlog. Kaya hindi ka na mabubuntis.
Sundin ang mga sumusunod na payo:
1. Kumain nang sapat. Kailangang kumain ng kumpleto kabilang na ang mga prutas, gulay, at buong butil o whole grains at limitahan ang pagkain ng mga taba, mamantika at matatamis. Kabilang dito ang pag-take ng calcium at vitamin D galing sa pagkain o tableta kada araw.
2. Magkaroon nang maayos na tulog. Iwasan ang uminom ng kape sa gabi.
3. Mag-ehersisyo araw-araw. Maglaan ng 30 minuto na katamtaman bigat ng mga gawain lalo na sa umaga para makatulong laban sa pagtanda. Makatutulong din ito sa pagbawas ng timbang at stress.
4. Kung mayroong panunuyo sa pwerta o makaramdam ng sakit habang nagtatalik, gumamit ng over-the-counter na water-based lubricants (tulad ng KY Jelly). Makatutulong rin kung aktibo ka pa rin sa pagtatalik.
5. Hot flashes o mainit na pakiramdam. Subukan mag-ehersisyo. Alamin kung ano ang nagpa-trigger sa hot flashes, maaaring kabilang dito ang mainit na inumin, maanghang na pagkain, alak, mainit na panahon at lugar.
6. Kumain ng soya tulad ng soy milk at tokwa. Ang soya ay karaniwan pinagkukunan ng isoflavones, isang compound na maaaring makatulong sa hot flashes. Kung may kanser sa suso, kausapin ang iyong doktor bago kumain nito.
7. Mag-practice ng mag-relax. Ang mga technique gaya ng malalim na paghinga, guided imagery (pag-isip ng magagandang bagay at lugar), yoga, at meditation ay makatutulong sa iyo na makaya ang pabago-bagong mood, stress at pagtulog.
8. Ang pagdurugo pagkatapos mag-menopause ay hindi normal at dapat masuri agad ng iyong doktor. Ang dahilan ng pagdurugo ay maaaring hindi delikado, ngunit ang post-menopausal bleeding ay maaaring senyales ng kanser.
- Latest