EDITORYAL - Bakuna ng Russia
Mabilis ang mga Ruso sa paggawa ng bakuna laban sa COVID-19 at hindi nila ito ipagkakait sa mga bansa kapag naaprubahan. Isa ang Pilipinas sa mga bansa na unang makikinabang sa bakuna kapag pinayagan na. At hindi lamang ito, ayon kay Russian Ambassador Igor Khovaev, ang Pilipinas ay magiging Southeast Asian hub para sa produksiyon ng kanilang bakuna. Sinabi ni Khovaev na ang ang Russia pa lamang ang tanging bansa sa buong mundo na nag-offer na dito sa Pilipinas magpo-produce ng bakuna na tatawaging SPUTNIK V.
Sabi pa ng ambassador, nasa ikatlo at huling phase na ang trial ng SPUTNIK V at maaaprubahan na ito. Magsasagawa rin ng trial dito sa susunod na linggo, ayon pa kay Khovaev. Bukod sa Pilipinas, nagkaroon na rin ng clinical trial ang SPUTNIK sa Brazil, Saudi Arabia at United Arab Emirates (UAE). Isang Pinoy ang nakasama sa trial sa UAE at ayon dito wala siyang kakaibang nararamdaman mula nang bakunahan. Ayon sa Pinoy, pumayag siyang sumali sa trial para malaman ang magiging epekto at nang tuluyan nang malabanan ang coronavirus. Kung wala raw maglalakas ng loob para sumali sa trial, paaano malalaman ang bisa nito.
Magandang balita nga kung dito ipo-produce ang SPUTNIK V. Ibig sabihin malaki ang pagnanais ng Russia na maipamahagi ang kanilang teknolohiya. Hindi raw sila basta pupunta sa Pilipinas para ibenta ang kanilang bakuna at pagkatapos ay aalis na. Hindi raw ganito ang kanilang panuntunan kaya nilikha ang SPUTNIK. Sabi pa ng ambassador, sa kasalukuyan, 40 bansa na ang nakiki-cooperate sa Russia para labanan ang COVID-19.
Idinagdag ng ambassador na bagama’t marami ang nagdududa sa kanilang bakuna, inaanyayahan nila ang mga ito na sumali sa joint clinical trials para malaman kung gaano ito kaepektibo.
Maraming bansa ang nag-produce ng kanilang bakuna, at tanging ang Russia ang masugid na nag-aalok sa Pilipinas. Tama ang ambassador na sila lamang sa buong mundo ang bansang nag-alok sa Pilipinas. Ibig lamang sabihin, may matibay na ugnayan ang Russia at Pilipinas.
Sana nga maging mabilis ang huling clinical trial ng SPUTNIK at nang maaprubahan na agad ng regulatory board ng FDA. Tanging ang bakuna lamang magpapabalik sa normal na buhay ng mga tao sa buong mundo. Kung walang bakuna, hindi gagalaw ang ekonomiya, patay ang negosyo sapagkat maraming natatakot at nangangamba.
- Latest