EDITORYAL - VAT sa vape, yosi at alak
Nilagdaan kahapon ni President Duterte ang Republic Act 11467 na nagsususog sa National Internal Revenue Code na nagpapalawak sa coverage ng value-added tax (VAT) para sa vape, sigarilyo at alak. Exempted naman sa tax ang mga gamot para sa diabetes, high cholesterol at hypertension. Nagkabisa ang batas noong Enero 1, 2020.
Kapaki-pakinabang ang batas na ito. Sa pagdaragdag ng tax sa mga bisyo, malaki ang mapagkukunan ng pondo na gagamitin para sa health care ng taumbayan. Lalo pang naging kapaki-pakinabang sapagkat ini-exempt ang tax sa mga gamot para sa mga sakit na tumatama sa mga Pilipino.
Karapat-dapat lang na lawakan at dagdagan ang buwis sa mga bisyong sigarilyo, alak at pati vape na pinagmumulan ng sakit. Ang dagdag na tax ay mabisang paraan din para ma-discourage ang mga lulong sa bisyo na itigil na ang mga ito.
Noong nakaraang taon, nagpataw ng tax sa sigarilyo at alak. Bawat pakete ng sigarilyo ay binuwisan ng P37.50 samantalang ang alak ay P30 bawat litro. Ang pagtataas ng tax sa sigarilyo at alak ay inaprubahan ng Kongreso noong Disyembre 2018.
Kung tutuusin, kulang pa ang dinagdag na tax. Dapat taasan pa para ma-discourage ang mga kabataan na magbisyo. Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng P5 ang bawat stick ng sigarilyo at sa bagong expanded tax tataas pa ang bawat stick. Madaragdagan din ang presyo ng alak lalo pa’t ang mga kilalang brand ay imported.
Magkakaroon ito ng epekto sa mga may bisyo na karampot ang sinasahod. Malamang na bumitiw na sila at ito naman ang hinahangad ng pamahalaan – ang mailigtas sa sakit ang mamamayan mula sa cancer sa baga, atay, lalamunan, labi, sakit sa puso at iba pang sakit.
Dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo at pag-inom ng alak, gumagastos ng bilyong piso ang pamahalaan sa mga pampublikong ospital. Kung wala nang magkakasakit dahil sa alak at sigarilyo, ang pondong makukuha sa buwis ay maaari nang gastusin sa iba pang serbisyo publiko.
Magandang hakbang ang ginawa ng Presidente sa paglagda sa RA 11467. Kikita na nang malaki ang pamahalaan, maaari pang makaiwas sa bisyo ang mga Pilipino.
- Latest