Seafood restaurant sa U.S., pinalaya ang lobster na mahigit 100 years old!
ISANG kakaibang selebrasyon ng National Lobster Day noong June 15 ang isinagawa ng Peter’s Clam Bar, isang kilalang seafood restaurant sa Long Island, New York, matapos nilang ibalik sa dagat ang kanilang 21-pound na lobster na pinangalanan nilang “Lorenzo.”
Tinatayang 110-anyos na si Lorenzo, na matagal nang atraksiyon sa naturang restaurant.
Ayon kay Butch Yamali, may-ari ng Peter’s Clam Bar, naging bahagi ng kanilang negosyo si Lorenzo, dahil matagal na itong nakatira sa kanilang aquarium at dinarayo ng mga customer upang makita at kuhanan ng picture.
“Hindi lahat ng lobster ay umaabot sa ganitong edad. Parang hindi na namin siya kayang lutuin o ibenta,” pahayag ni Yamali. Dagdag pa niya, mas mabuti raw na bigyan ng panibagong buhay si Lorenzo sa dagat kaysa hayaang mamatay ito sa loob ng aquarium.
Pinangunahan ng mga lokal na opisyal, kabilang sina Hempstead Town Supervisor Don Clavin at Nassau County Legislator John Ferretti, ang seremonya ng “pardon” bago tuluyang dinala si Lorenzo ng isang Bay Constable boat patungo sa Atlantic Beach Reef, ang bago niyang tahanan.
Sabi ni Clavin, “Walang mas magandang paraan para ipagdiwang ang National Lobster Month kundi ang bigyan ng kalayaan si Lorenzo.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na may pinalayang lobster sa Peter’s Clam Bar; ilang taon na ring ginagawa ang tradisyong ito.
Sa halip na mapunta sa hapag kainan, si Lorenzo ay inaasahang mamumuhay na nang tahimik sa ilalim ng dagat, malaya at ligtas mula sa mantikilya at pinggan ng mga tao.
- Latest