Sinibak dahil sa anak
(Huling bahagi)
IBINASURA ng labor arbiter ang reklamo ni Lino. Legal daw ang pagtanggal kay Lino dahil malinaw na nilabag niya ang patakaran ng kompanya at inabandona niya ang kanyang trabaho. Karapatan din daw ng kompanya na tanggalin ang empleyadong madalas lumiban ng walang paalam at walang dahilan.
Pero iba ang naging desisyon ng NLRC. Ang mahabang pagliban daw ni Lino sa trabaho ng walang pahintulot ay hindi masasabing pagpapabaya o pag-iwan. Unang beses pa lang na lumabag sa mga patakaran si Lino at masyadong mabigat na parusa ang sisantihin agad siya sa trabaho.
Imposible raw sa isang empleyadong tulad niya na mapaghandaan ang family emergency na tulad ng nangyaring pag-iwan sa kanya ng asawa. Inutos ng NLRC na pabalikin siya sa trabaho pero walang backwages. Tama ba ang NLRC?
Ayon sa SC ay tama. Hindi inabandona ni Lino ang kanyang trabaho. Ang tinatawag sa Ingles na “abandonment” ay ang sadya at walang dahilan na pagliban ng isang empleyado o malinaw na pag-iwan na walang planong balikan pa ang kanyang trabaho.
Para masabing iniwan ng empleyado ang kanyang trabaho, dapat na (1) hindi na siya pumapasok o lumiban siya ng walang dahilan at (2) may intensiyon siya na putulin na ang ugnayan/relasyon nila ng kompanya bilang amo at empleyado.
Ang responsibilidad para patunayan na sinadya ng empleyado na putulin na ang kanilang relasyon ay nasa kompanya. Hindi sapat na basta lumiban ng walang paalam ang empleyado nito.
Sa kasong ito ay hindi napatunayan ng kompanya ang mga elementong nabanggit. Agad na nagpaliwanag si Lino nang makatanggap ng memo at hindi rin siya nag-aksaya ng oras na magsampa ng reklamo noong sisantihin ng kompanya.
Ang matagal niyang pagliban sa trabaho ay hindi maituturing na pag-abandona. Masyadong nagmadali ang kompanya na gamitin ang mga patakaran nito para sisantihin siya. Sa ilalim ng ating Saligang Batas ay dapat na protektahan ang interes ng mga manggagawa.
Ang mga kontrata tungkol sa empleyo ay dapat na sumunod sa mas ikabubuti ng nakararami o sa tinatawag na “common good” kaya’t kinatigan ng SC ang naging hatol ng NLRC sa Brew Mater International Inc. vs. NLRC and Estrada et. Al., G.R. No. 119243, April 17, 1997.
- Latest