Tumututol na ang ilang bansa
MAS palalakasin ng US Coast Guard ang kanilang presensiya sa Western Pacific para magsilbing balakid sa malawakang pag-aangkin ng China sa rehiyon. Ipagpapatuloy pa rin ang pagpa-patrol sa ilalim ng internasyonal na batas, partikular ang UNCLOS. Ang kinakailangan ay mas maging madalas ang pag-patrol nila sa West Philippine Sea kahit itinataboy at binabantaan sila ng China. Mabuti at may mga malalaking US coast guard na lumayag na sa West Philippine Sea.
Nanawagan din ang US Coast Guard sa lahat ng bansa sa rehiyon na magkaisa sa pagtutol sa agresibong pag-aangkin ng China sa mga teritoryo sa karagatan, kung hindi ang buong karagatan mismo. Hindi makatarungan ang ginagawang pag-aangkin at pangingisda kung saan-saan na lang. Tumututol na nga ang Vietnam at Malaysia sa mga kilos ng China. Hindi naman bumilib ang Palasyo dahil inilalagay lang daw ng dalawang bansa ang kanilang mamamayan sa panganib kung may mangyaring masama. Dapat idinadaan daw sa maayos na usapan.
Paano magiging maayos kung digmaan nga ang banta ng China kay Duterte? Sa administrasyong ito ikinatatakutan iyan nang husto, pero mukhang hindi iyan ang nagaganap sa Vietnam at Malaysia. Sa tingin ko ay hindi isusugal ng China ang kanilang katayuan sa mundo sa pamamagitan ng digmaan sa anumang bansa sa rehiyon. Magmumukhang mapang-api lamang sa mas mahihinang bansa.
Hindi pa rin matapos ang pagtatalo ng pangingisda ng China sa West Philippine Sea (WPS) partikular sa ating exclusive economic zone(EEZ). Sa ika-apat na SONA ni Pres. Rodrigo Duterte, nagpaliwanag at nangatwiran sa ginawang usapang kasunduan sa pagitan nila ni Chinese President Xi Jinping hinggil sa pangingisda ng dalawang bansa.
Nakasaad sa Konstitusyon na ang lahat ng yamandagat na mula sa ating EEZ ay tanging para sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino. Pero ayon sa Palasyo, wala nang magagawa ang Pilipinas dahil hawak na ng China ang karagatan. Mabilis namang nagpaliwanag sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at National Security Chief Hermogenes Esperon na nasa “position” lang daw ang China at hindi “possession” tulad ng pahayag ni Duterte. Pero ayon kay Salvador Panelo, pareho lang daw ang ibig sabihin ni Duterte sa paggamit ng salitang “possession”. Napangiti na lang ako.
- Latest