EDITORYAL - Babala sa ‘pataynity’
MAY naaaninag ng hustisya sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio ‘‘Atio” Castillo. Hinatulan na ang isa sa mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na naging dahilan ng kanyang pagkamatay noong Setyembre 2017 dahil sa hazing. Apat na taong pagkakulong ang inihatol ng korte kay John Paul Solano dahil sa obstruction of justice. Hindi siya hinatulan sa kasong perjury na isinampa rin sa kanya. Si Solano ang nagdala kay Castillo sa ospital pero idineklarang patay na ito. Una nang sinabi ni Solano na nakita niya sa isang kalye sa Tondo si Castillo pero iyon ay sa utos umano ng mga nakatataas na miyembro ng Aegis.
Si Solano pa lamang ang nahahatulan sa madugong hazing. Ang siyam na iba pang miyembro ng Aegis ay kasalukuyang nakakulong sa Manila City Jail at pinagpapatuloy ang pagdinig. Bagama’t nadismaya ang mga magulang ni Castillo sa hindi pagkakasama ng kasong perjury kay Solano, bahagyang gumaan ang kanilang loob sapagkat nakikita nilang may kinahihinatnan ang kaso ng kanilang anak. Ayon sa kanila, magandang pangitain ito sa pagkakamit ng hustisya para sa anak. Ginagawa umano nila ang lahat hindi lamang para sa anak kundi para rin sa iba pang biktima ng madugong hazing.
Naniniwala sila na ang pag-usad ng kaso laban sa mga sangkot ay magiging daan para tuluyan nang mawala ang mga nangyayaring hazing sa fraternity. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak.
Makabagbag-damdamin ang tagpo nang malaman nila ang nangyari sa kaisa-isang anak na pinabayaang mamatay makaraang pahirapan ng mga itinuring na “kapatid”. Wala man lang umanong nagdala sa ospital gayung maaari pa itong maisalba. Nakadudurog ng puso ang pag-iyak ng mag-asawa nang makita ang walang buhay na anak.
Ang pagkakahatol sa unang miyembro ng Aegis ay magandang simula para makamtan ang lubusang hustisya sa pagkamatay ni Castillo. Mayroon ng batayan para lalong madiin ang iba pang miyembro na responsable sa pagkamatay ng law student. Unti-unti nang natatanaw ang inaasam na katarungan.
- Latest