Narco judges nakagigimbal
NOONG panahon ni Erap bilang Pangulo, tinawag niya ang mga hukom, prosecutors at mahistrado na nagbebenta ng desisyon na “hoodlums in robes.” Nakagigimbal talagang malaman na may mga ganyang kagawad ng hudikatura na humahadlang sa daloy ng tunay na hustisya. Dahil sa kanila, may mga nakakulong na walang sala at mayroong nasa laya na mga tunay na kriminal.
Ano pa kaya kung ang mga pinapanigang kriminal ng mga ito ay mga drug lords? Tama si Pangulong Duterte. Lumulubha imbes na bumuo ang sitwasyon sa droga dahil sa mga taong ito na kung tagurian ay “narco judges.”
Nakalulungkot malaman na lubhang malalim na ang ugat ng problema sa droga at nilamon na pati ang mga opisyal ng pamahalaan na siyang dapat mangalaga at pumrotekta sa taumbayan. Kaya long overdue na, bagaman at tumpak ang desisyon ni Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin na magsagawa ng maigting na imbestigasyon sa ilang hukom na tinutukoy bilang kasabwat ng mga drug criminals.
Umasa tayo sa paniniyak ni Bersamin na hindi magiging bias ang Mataas na Hukuman sa imbestigasyon at parurusahan ang mga mapapatunayang nagkasala.
Totoong mahirap ang kalagayan ng mga hukom at sino mang nasa hudikatura kapag sila ay may mabuting layunin. Marahil, nasa isip nila na mas mabuting tumanggap ng pabor at salapi sa mga sindikato kaysa magpakamartir at mapatay. Pero hindi excuse iyan para maging masama.
Walang puwang sa public service ang mga taong duwag na takot itaya ang buhay para sa mamamayang pinagsisilbihan. Kung nananaig ang takot o kasakiman para magkamal ng kayamanan, lumayas na kayo sa pamahalaan. Taumbayan ang boss ninyo. Sa kanilang ibinabayad na buwis kayo nabubuhay kaya huwag silang pagtaksilan!
- Latest