Pangkalahatang kalusugan
NILAGDAAN na ni President Duterte ang Universal Healthcare Act, isang pamamaraan para mabigyan ng “healthcare coverage” ang lahat ng mamamayan. Lahat ng mamamayan ay pasok na sa National Health Insurance Program (NHIP). Depende na lang kung makakabayad ng premium o hindi, pero pasok pa rin lahat sa NHIP. Mapapalawig din ang coverage ng PhilHealth. Isinasabatas din na ang lahat ng mag-aaral sa anumang sektor ng kalusugan, kung nakapagtapos bilang scholar ng gobyerno ay kailangang magtrabaho muna ng tatlong taon sa publikong sektor.
Maganda ang batas na ito. Kulang na kulang ang serbisyong kalusugan para sa lahat, partikular sa mga mahihirap. Hindi pa tayo tulad ng Spain o Canada kung saan libre ang magpagamot para sa lahat ng kanilang mamamayan. Maganda rin ang nakasaad sa bagong batas na ang mga pinaaral ng gobyerno ay kailangang mag-alay na muna ng serbisyo sa bansa, bago umalis. Iyan ang dapat gawin sa scholar, hindi ang pagbabawi ng kanilang scholarship dahil kritiko lang ng administrasyon.
In demand na naman ang mga nurse sa ibang bansa. Kaya nagsimula muli ang pag-alisan ng mga nurse, para sa mga bansa sa Middle East, US at UK. Pati ang Japan ay nangangailangan ng mga nurse. Hindi pa rin kayang tapatan ang pagsahod ng ibang bansa, kaya umaalis sila. Malungkot din at kailangan na kailangan ang mga nurse dito, lalo na sa mga ospital ng gobyerno. Kung kayang doblehin ng administrasyon ang sahod ng mga pulis at sundalo, bakit hindi kayang gawin sa mga nurse, para hindi na magsialisan?
May mga kilala akong dayuhan na natutuwang manirahan sa bansa. Pero kapag nagkakasakit, mas ginugustong bumalik sa kani-kanilang bansa, dahil sa laking menos ng gastos sa pagpapagamot. Sana ay marating na rin ng Pilipinas ang libreng pagpapagamot sa lahat ng mamamayan, tulad ng ibang bansa. Pero para makamit iyan, malaki rin ang kailangang kaltasin mula sa sahod ng tao, na sa ngayon ay mukhang hindi pa magagawa. Kung ang dagdag na kontribusyon sa SSS ay nagiging isyu, paano pa kaya ang makaltasan nang malaki sa sahod para sa pangkalahatang kalusugan?
- Latest