May sala!
SA wakas, lumabas na ang hatol laban sa tatlong pulis na akusado sa pagpatay kay Kian Delos Santos. Guilty silang tatlo sa walang-awang pagpatay kay Kian, na hindi naman “nanlaban”. Kung bakit pinatay ng mga pulis ay baka hindi na natin malaman. Pero malinaw na may kultura ng pagpatay ang mga pulis nang walang dahilan kundi madagdagan ang bilang ng mga sinasabing drug addict at pusher na nanlaban.
Pero isa lang ito sa dami ng kaso kung saan “nanlaban” umano ang mga pinatay ng mga pulis. Naging malakas lang ang kaso laban sa mga pulis dahil sa CCTV kung saan nakita na kinakaladkad si Kian patungo sa lugar kung saan siya pinatay.
Maraming kaso ang walang benepisyo ng CCTV, kaya wala silang laban sa bersiyon ng mga pulis. Pero tatanggapin natin ang tagumpay na ito laban sa kasamaan. Kasamaan mula sa mga kamay ng mga nanumpang manilbihan at magbigay ng proteksiyon sa publiko. Mahuli na rin sana ang ibang may sala.
Wala pa ring hatol o balita sa kaso ni Carl Angelo Arnaiz at ng kasamang si Reynaldo “kulot” De Guzman. Ang huling balita ay ibinasura ang kaso laban sa kanila dahil sa maling hurisdiksyon isinampa ang kaso. Kaya isasampa ang kaso sa Navotas. Ilang buwang trabaho na naman iyan, sana naman ay makamit din ni Carl Angelo Arnaiz ang hustisya, tulad ng nakamit ni Kian.
May pangamba naman ang Commission on Human Rights na baka iabsuwelto lang ni President Duterte ang mga pulis na pumatay kay Kian, tulad ng lagi niyang sinasabi. Pero masyado naging kilala ang kasong ito, na nagresulta sa pagbagsak ng rating ni Duterte at pansamantalang ibinigay sa PDEA ang laban kontra iligal na droga. At sa lakas ng ebidensiya, dapat lang makulong ang mga salaring pulis.
Hindi siguro mahaharap ni Duterte ang bagyo ng kritisismo kung sakaling iabsuwelto ang mga pulis sa kaso ni Kian. Pabayaan na lang ang mga gulong ng hustisya na umikot, na tama para sa mamamayan.
- Latest