Child friendly ba ang bahay n’yo?
LIKAS sa mga magulang ang pagiging maingat at maalaga sa kanilang mga anak. Palaging sinisigurado ang kaligtasan sa kahit anong kapahamakan na maaring dumating at dumaan lalo na sa labas ng tahanan. Pero ang aksidente at disgrasya, walang pinipiling lugar. Maari itong mangyari kahit sa loob mismo ng ating sariling bahay. Kaya ang tanong, is your home child friendly?
Para makasiguro na ligtas ang inyong mga anak sa sarili niyong tahanan, narito ang ilan sa mga tips na maari n’yong gawin.
Siguruhin na ligtas ang inyong mga anak sa paglalaro o pagtakbo sa loob ng inyong bahay. Kung maiiwasan ay ‘wag nang bumili ng mga gamit na mayroong sharp edges o kanto na maaring makasakit sa inyong mga anak. Kung di naman maiwasan may mga furniture cushions na maaring gamitin para rito.
Normal din sa mga bata ang mangalikot at mangutingting ng mga bagay-bagay. Delikado para sa kanila na magalaw at paglaruan ang mga sockets. Kaya para maiwasang makuryente o maaksidente ang mga chikiting, mas mabuting lagyan ng mga outlet covers ang mga ito.
Isa sa mga pinaka-delikadong parte ng bahay para sa mga bata ay ang kusina. Dito kasi matatagpuan ang mga bagay na maaaring makapanakit sa kanila. Tulad ng kutsilyo, gunting at iba pang matutulis na bagay.
Isama mo pa ang mga bagay na maaring pagsimulan ng sunog tulad ng posporo at lighter. Gayundin ang mga nakakalasong kemikal tulad ng sabon, insecticides/pesticides at kung anu-ano pa. Lahat nang yan ay mas mabuting ilagay sa lugar kung saan hindi madaling makita at maabot ng mga bata.
At ang huli, ang banyo o bath room. Delikado rin na iwan ang mga bata mag-isa sa loob ng mga palikuran. Maari silang madulas o malunod dito kung pababayaan. Lalo pa’t isa ang pagkalunod sa mga sanhi ng pagkamatay ng mga bata.
Hindi talaga maiiwasan ng mga bata ang pagiging makulit lalo na sa loob ng bahay. Kaya naman kayong mga magulang maging doble ingat sa pag babantay sa inyong mga anak. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang disgrasya at mga di inaasahang bagay.
Para sa iba pang safety tips at reminder, maari n’yong bisitahin ang aming website na bitagmedia.com.
- Latest