Dalian trains ‘isoli, ipaayos sa China’
ISOLI ang mga tren sa China at ipaayos ang maraming mali. ‘Yan ang payo sa MRT-3 ng Japanese evaluators ng 48 bagon na gawa ng Dalian Locomotive & Rolling Stock Co. Hiwalay na nakita ng German engineers ang parehong mga sablay, at nagsabing kumilos agad. Kaligtasan at kahusayan ng mga biyahe ang nakasalalay.
Magkasunod na buwan nagsuri ang German at Japanese techs. Atas sa kontrata na di-bababa sa 94 tests at inspections ang dapat gawin sa mga parte at gawi ng bawat bagon. Pero batay sa logbooks ng mga ito, tatlo lang ang na-test at inspection: Nos. 3102, 3103, at 3104. Ni hindi kumpletong tig-94 ang ginawa; tig-30 lang sa 3103 at 3104; mas konti sa 3102. At walang representatibo ang Dept. of Transportation nang ginawa ‘yon sa pabrika ng Dalian. Merong walong tests na ginawa sa Manila, pero hindi sinabi kung anong bagon. Kaya bale-wala ang lahat.
Ilan lang sa mga hindi na-test at inspect ang mga: gulong; ehe; preno kapag umaandar at preno kapag nakaparada; auto-doors, frames, at controls; bubong, sahig, salamin ng bintana; ilaw sa loob at labas; ingay sa loob; yugyog at uga; driver’s cab; arangkada; patay-sindi ng makina; baterya; auxiliary power; at coupling ng bagon sa isa’t-isa.
Hindi sinunod ng Dalian ang saad sa P3.8-bilyong kontrata. Down payment na 15%, P565 milyon, na ang naibayad sa kanila nu’ng 2013. Sinisingil na nila ang balanse. Pero takot ang mga taga-DOTr magbayad. Masasakdal sila ng graft kung palusutin ang pagsuway sa kontrata.
Bukod pa ito sa tatlong binunyag ko nang kapalpakan ng Dalian. Overweight nang 3.3 tonelada bawat bagon, kaya masisira ang riles. Mali ang sukat ng chassis kaya hindi maisasakay sa higanteng pit jack sa depot para mag-mentena at repair sa ilalim. Hindi pinaandar nang 5,000 km sa iba’t-ibang bilis, kurbada, dalisdis, at emergency conditions.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest