Tamang batayan
NAGLABAS ng opisyal na pahayag ang foreign ministers ng G7, ang grupo ng mga mauunlad at mayaman na bansa sa mundo. Kabilang dito ang US, Japan, Germany, Italy, France, Canada at UK. Nanawagan na itigil ang militarisasyon ng rehiyon, at idaan sa tamang proseso at batas ang anumang pag-aangkin ng mga isla sa karagatan. Binanggit ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong Hulyo 12, 2016 na tamang batayan at simula para sa maayos na pag-uusap. Sa madaling salita, tama ang ginawa ng bansa sa pag-angat ng isyu sa nasabing korte. May saysay ang desisyon ng PCA. Nanalo sa tayo sa kaso, pero hindi ito kinikilala ng China, at isinantabi na muna ni Pres. Rodrigo Duterte ang tagumpay, dahil sa kanyang gustong maging malapit na kaibigan o kaalyado ang China.
Halos lahat nang bansa at organisasyon ay pare-pareho ang katayuan hinggil sa isyu sa South China Sea. Itigil ang militarisasyon, pag-usapan nang maayos at huwag idaan sa dahas, at anuman ang mapag-usapan ay dapat may batayan sa mga kinikilalang batas tulad ng UNCLOS. Tanging ang Russia ang malaking bansa na pumapanig sa China sa isyu, dahil walang tiwala umano sa US. Pero ang G7, ang European Union (EU) at Australia ay iisa ang katayuan. Hindi kinikilala ang tinatawag na “Nine Dash Line” ng China, na siya ring desisyon ng korte. Ang problema ay ang ASEAN, kung saan miyembro ang Pilipinas, ay hindi magkaisa sa katayuan kontra China dahil may iilang bansa na tila kaalyado nito. Hanggang ngayon, wala pang pinag-isang pahayag ang ASEAN sa ginagawa ng China.
Malapit na ang ASEAN summit na gagawin sa bansa. Ang inaasahan ay magkaroon na ng Code of Conduct hinggil sa mga isyu sa karagatan sa pagitan ng ASEAN at China. Taun-taon, bigo ang ASEAN na makamit ito, dahil sa pangongontra ng mga bansang kaalyado ng China. Baka iba na raw ang sitwasyon ngayon. Ang nakikita kong pagkakaiba ay hindi itinutulak ng administrasyong Duterte ang desisyon ng hukuman, na ikinatutuwa naman ng China. Kung may epekto ito para malikha na ang Code of Conduct, makikita natin ngayong taon.
- Latest